May magandang balita para sa mga Bulakenyong nangangarap maging filmmaker: Kinumpirma ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza na idaraos sa SM City Baliuag ang una niyang film workshop, sa Agosto 25-26.
Tampok sa Brillante Film Festival ang isa sa bagong pelikula ni Direk Dante, ang Taklub na pinagbibidahan ni Nora Aunor.
Ang Taklub ay kathang-isip na kuwento ng tatlong nakaligtas sa pananalasa noong 2013 ng bagyong ‘Yolanda’, ang pinakamapaminsala sa kasaysayan ng Pilipinas. Nag-premiere ang pelikula sa Un Certain Regard, at nanalo ng 2015 Cannes Film Festival Ecumenical Jury Prize Special Mention.
Dahil dito, magkakaroon ng pambihirang pagkakataon ang mga estudyante mula sa iba’t ibang eskuwelahan at unibersidad, gayundin ang mga nangangarap na maging filmmaker, sa Bulacan na makaharap at makausap ang multi-awarded film director.
Sa pamamagitan ng Film Appreciation Workshop, magbibigay si Direk Dante ng in-depth view sa Philippine Independent Filmmaking.
Itatampok din sa workshop ang mga hindi pa nakikitang footages ng Taklub na nagdedetalye sa teknikal at komprehensibong bahagi ng paggawa ng pelikula, gaya ng pagdidirehe, screenplay, cinematography, pag-arte, production design, sound, at editing.
Si Direk Dante rin ang nagdirehe ng Kinatay, na nagpanalo sa kanya ng Cannes Best Director, gayundin ng mga pelikulang Thy Womb, Lola, at Ma’Rosa.
Ang Brillante Film Festival ay joint project ng Centerstage Productions Inc., SM Cinema, at SM City Baliuag.
(FREDDIE C. VELEZ)