DEKADA 60 nang mamulat ako sa problema ng mga binabahang lugar sa Maynila at mga karatig nitong lungsod. Paanong ‘di ko malalaman, eh, ito ang pangunahing gamit na propaganda ng mga tumatakbong pulitiko noon laban sa mga nakaupong kandidato.

Ang “YEBAHA!” ang isinisigaw ng kalaban ng administrasyon para umano sa lumalalang problema sa pagbaha. At “YEBAHO!” naman para sa ‘di nakokolektang mga basura.

Ang salitang “YEBA” ay ginamit noon ni dating Mayor Antonio J. Villegas sa mga pamosong proyekto niya sa Lungsod ng Maynila.

Mula noon hanggang ngayon, nasasama pa rin sa pangangampanya ng ilang pulitiko ang matinding problema sa baha, lalo na sa Maynila.

Problemang pinalala nang mabilis na modernisasyon at pagiging bulagsak ng mga tao sa pag-aalaga sa kapaligiran.

Ang buong Metro Manila ay nasa malawak na kapatagan na napapaligiran ng dati ay 35 malalalim at malalapad na estero na tumutuloy sa Marikina River at San Juan River na nakakabit naman sa dambuhalang Ilog ng Pasig na ang magkabilang dulo ay ang Manila Bay at Laguna de Bay.

Kapag malakas ang buhos ng ulan, umaagos agad ang tubig sa mga estero na dumadaloy naman sa mga ilog hanggang makalabas ng Manila Bay. Kapag sobrang lakas ng ulan, umaapaw ang mga estero at ilog, at dahil halos ilang pulgada lamang ang taas ng mga lugar na ito sa water level ng Manila Bay, bumabalik ang tubig at sa mga kalsada muna pumopondo.

Dahil sa modernisasyon, maraming estero na ang nawala sa Metro Manila, lalo na sa Maynila. May mga natabunan, natayuan ng mga gusali, ginawang subdibisyon, niliitan at karamihan ay bumabaw dahil sa basurang walang habas kung itapon ng mga nakatira sa paligid.

Ang tatlong ilog—Pasig, Marikina at San Juan— ay pawang kumitid dahil natayuan ng kabahayan at mga gusali ang gilid nito, at bumabaw dahil sa mga itinatapong basura at kemikal mula sa mga plantang nasa paligid nito.

Sa 22 naitalang bahaing lugar ng MMDA—ang 10, na ang karamihan ay iba na ang pangalan, ang natatandaan kong binabaha noon pa mang dekada 60.

Ang 12 naman ay halos nagsimulang bahain matapos ang mga magkakasunod na konstruksiyon ng mga overpass, underpass, skyway, nagtataasang condominium, naglalakihang mall at malalawak na subdibisyon sa paligid ng mga ito.

Ang ilan dito ay nabaunan na ng malalaking tubo kayat ang pagmamalaki ng mga awtoridad:

“Mabilis naman daw mawala ang baha kapag tumila na ang malakas na ulan.”

Tumawag at mag-text sa Globe: 09369953459 o kaya’y mag-email sa [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)