Sinamantala ng mga ‘di kilalang kawatan, na hinihinalang mga miyembro ng “Akyat-Bahay Gang”, ang pagluluksa at pagdalo ng isang government employee sa libing ng kanyang ama, nang pasukin ang bahay nito sa Sta. Cruz, Manila nitong Lunes.

Humingi ng tulong sa Manila Police District (MPD)-Station 6 ang biktimang si Josephine Azuero, 53, ng 1810-C Oroquieta St., sa Sta. Cruz.

Sa ulat ni Police Supt. Santiago Pascual III, nabatid na dakong 4:30 ng madaling araw nitong Lunes nang madiskubre ni Josephine Magat, 35, pamangkin ni Azuero, na nilooban ang bahay ng kanyang tiyahin.

Kaagad ipinaalam ni Magat sa mga barangay official sa lugar ang krimen at natuklasang nawawala ang Toshiba Flat Screen TV, na nagkakahalaga ng P18,000; Canon DSLR, na nagkakahalaga ng P50,000; Sony PSP, na nagkakahalaga ng P20,000; at external disk, na nagkakahalaga ng P3,500.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sino ang mga nasa likod ng pagnanakaw.

(Mary Ann Santiago)