Kritikal ngayon ang kondisyon ng isang 35 taong gulang na lalaki matapos pagsasaksakin ng sariling pamangkin dulot ng mainitang pagtatalo sa Mandaluyong City kahapon.
Kinilala ang biktimang si Aries T. Miranda ng Welfareville Compound sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Kasalukuyang nagpapagaling si Miranda sa Mandaluyong City Medical Center dahil sa mga tinamong saksak mula sa nakaalitang pamangkin na si Legend M. David, 32, na inaresto ng mga awtoridad kahapon.
Ayon sa mga imbestigador, inutusan ni Miranda si David na bumili ng ilegal na droga ngunit hindi sinunod ng huli.
Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang hindi pagsunod ni David sa utos ni Miranda hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang una at paulit-ulit na sinaksak ang huli.
Kasalukuyang nakakulong si David sa Mandaluyong City police station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
Nakatira sa iisang bubong sina Miranda at David. (Jenny F. Manongdo)