DAVAO CITY – Nasa 378 bulag at bingi ang dumalo sa pagpapalabas ng pelikula sa SM Cinema 3 sa siyudad na ito noong Lunes. Opo, daan-daang silang bulag at bingi na nag-enjoy sa pelikula.

Tampok sa special movie screening ang animated na “The Good Dinosaur”, na ang bersiyon ay kinabibilangan ng audio descriptions para sa mga bulag, at caption naman para sa mga bingi.

Ang Audio Description (AD) ay isang espesyal na pagsasalaysay ng mga pangunahing bahagi ng pelikula. Isinisingit ito sa mga patlang sa pagitan ng mga dialogue upang mapag-ibayo ang konteksto ng pelikula nang hindi naaapektuhan ang buong palabas. Dahil dito, nasusubaybayan ng mga bulag ang kuwento ng pelikula.

Bukod dito, mapakikinabangan din ng mga nakakakita ang AD dahil sa tumpak na translation ng visual elements. Ang mga taong may autism at iba pang learning difficulties, gayundin ang mga nag-aaral ng English ay makikinabang din sa kahalagahan nito sa literacy at vocabulary development. Gayundin, ang mga caption ay nakatutulong para maisulong ang language development at kakayahang magbasa ng kapwa nakaririnig at mga binging manonood.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ang close captioning para sa mga Hearing Impaired (HI) ay nakalaan sa audio portion ng pelikula upang mabasa ito ng mga bingi. Tinutukoy din sa caption kung sino ang nagsasalita sa eksena, inilalarawan sa pamamagitan ng salita ang mga sound effect, at nakadetalye rin ang musika at pagtawa sa bawat eksena.

Proyekto ng SM Cares Committee on PWD Affairs at Movie Television Review and Classification Board (MTRCB), magdaraos din ng kaparehong special screening sa SM City Clark (Maleficent), SM City Bacoor (PAN), SM Seaside Cebu (OZ the Great and Powerful), at SM Mall of Asia (Frozen). (Yas D. Ocampo)