Namatay matapos sama-samang makuryente ang walong miyembro ng dalawang pamilya sa kasagsagan ng malakas na ulan, sa magkahiwalay na insidente sa Malasiqui, Pangasinan at Nasugbu, Batangas, nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa report na tinanggap kahapon mula kay Supt. Ferdinand de Asis, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office, pinaniniwalaang nag-ugat sa pag-aayos ng sampayan ang pagkakakuryente ng mag-asawang Ariel at Rochelle Colarco at ng mga anak nilang sina Gieann, Henry at Michael sa Barangay Bacundao East.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, posibleng nasagi ng ginang ang grounded na appliances kaya nakuryente ito, at nang tangkaing iligtas ng kanyang pamilya ay nangakuryente rin ang mag-aama.

Sa Nasugbu, pag-aayos naman ng nahulog na kawad ng kuryente ang ikinamatay ng mag-asawang Felix, 57, at Leonida Catapang, 46, gayundin ng anak nilang si Jamaica Delaney Catapang, pawang ng Sitio Kamalig, Bgy. Reparo.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon sa report ng pulisya, dakong 5:00 ng hapon nang nakauwi ang mag-ama at nakita nilang nakahandusay ang ginang kaya tinangka nilang isalba ito, hindi pansin ang kawad na nasa basang sahig, kaya nakuryente rin sila.

Kasagsagan ng ulan nang mangyari ang magkahiwalay na insidente.

Nagpaalala naman ang awtoridad na mag-ingat ang publiko sa mga grounded na appliances lalo ngayong basa ang kapaligiran. (Liezle Basa Iñigo at Lyka Manalo)