KUNG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay naging maginoo sa paghingi ng paumanhin (apology) kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, hindi naman siya manghihingi ng apology kay US Ambassador Philip Goldberg nang tawagin niya itong “gay” o bakla o bayot. 

Pusong-bakal si President Rody sa usapin kay Goldberg, pero pusong-mamon sa paghingi ng apology sa babaeng Chief Justice. Kapag sa babae, tiklop-tuhod ang machong pangulo, malambot ang puso at hindi pasaway. Ewan lang sa kaso ni Sen. Leila de Lima na matindi niyang kritiko!

Ang galit at pagkainis ni Mano Digong kay Goldberg ay nagsimula nang magkomento ang US Ambassador sa umano’y “sexy joke” ng noon ay PDP-Laban presidential candidate hinggil sa panggagahasa at pagpatay ng mga preso sa isang magandang Australian missionary sa loob ng Davao City Prisons bunsod ng isang riot.

Batay sa report, sinabi umano ni Duterte na noon ay Davao City Mayor, dapat ay siya ang nauna (sa pagyari) sa magandang missionary nang makita ang nakahandusay na bangkay ng babae. Bukod kay Goldberg, nagkomento rin ang babaeng Ambassador ng Australia at sinabihan si Mano Digong na hindi dapat gawing biro ang gayong maselang sitwasyon.

Sa galit ni RRD sa umano’y “pakikialam” nina Goldberg at ng Australian ambassador, nagbanta siyang puputulin ang diplomatic ties sa US at Australia kapag siya ang nahalal na pangulo. Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Masyadong emosyonal at pabigla-bigla ang pangulo natin. Sana ay maging prim and proper na siya at mag-metamorphose.”

Hindi raw makikipag-away o makikipag-giyera ang Pilipinas sa dambuhalang China, ayon kay President Rody. Eh, paano nga tayo lalaban sa dragong China na may 1.3 bilyong populasyon at number 2 sa US sa aspeto ng ekonomiya eh, kayliit natin at kayhina ng ating military? 

Ang gusto niya ay makipag-usap nang maayos sa China na ngayon ay nang-ookupa sa mga reef, shoal at bank sa West Philippine Sea. Nagtitiwala si RRD sa kakayahan ni ex-Pres. Fidel V. Ramos na kumbinsihin ang China tungo sa makatwirang pag-uusap upang malutas ang sigalot sa WPS at nang makapangisda uli ang fishermen natin sa Panatag Shoal (Scarlborough Shoal) na ngayon ay okupado ng bansa ni Pres. Xi Jinping. “Hindi tayo apurado sa pakikipaggiyera, apurado tayo sa pakikipag-usap,” ayon kay Mano Digong.

Alam ba ninyo na kung may showbiz personalities noon sa PNoy administration, tulad nina Dingdong Dantes, Ogie Alcasid atbp., ngayong Duterte administration ay meron din, gaya nina Aiza Seguerra, Liza Diño (ano ba tawag sa kanya, ginang?), Arnel Ignacio etc. Talagang ang pulitika at showbiz ay magkahalo at magkasama na ngayon sa pamahalaan ng bansa. (Bert de Guzman)