“Tornado, bihira lang na mangyari.” Ito ang pahayag ni weather specialist Benzon Escareja ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Tinutukoy ni Escareja ang buhawing tumama sa mga kabahayan sa Sampaloc, Quiapo at Baseco sa Maynila kamakalawa ng hapon, sa kasagsagan ng pag-ulan bunsod ng umiiral na thunderstorm na pinaigting ng habagat.

Aniya, normal lamang na magkaroon ng buhawi kapag nagkakaroon ng thunderstorm. “Pero, rare case lang ‘yan. Masyado kasing malakas ang hangin kaya lumilikha ng malakas na buhawi,” sabi nito nang kapanayamin ng pahayagang ito.

Matatandaang kumalat sa social media ang nasabing insidente kung saan kitang-kita na nagliliparan ang mga yero at iba pang magagaang na materyales mula sa bubungan ng mga bahay sa nasabing lugar.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Naputol din ang supply ng kuryente sa lugar bunsod ng insidente.

Kahapon, personal na binisita ni Manila Mayor Joseph Estrada ang Baseco Compound upang maghatid ng tulong sa mga nasalanta ng buhawi at sunog.

Agad rin namang inatasan ni Estrada ang Manila Social Welfare Department na tuluy-tuloy na magbigay ng ayuda sa mga apektadong residente tulad ng pagkain at damit.

“Mapalad tayo at walang nasawi. Tayo naman sa city hall ay handang tumulong anumang oras,” ani Estrada.

Nangako rin ang alkalde na mamimigay ng mga construction materials tulad ng plywood at yero upang matulungan ang mga residente na kumpunihin ang kanilang mga nasirang bahay.

Sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), may 50 tahanan ang tinupok ng apoy sa Baseco, na siya ring nagtamo ng pinakamatinding pinsala nang rumagasa ang buhawi nitong Linggo.

“Mga informal settlers sa Baseco ang tinamaan nang matindi, estimate natin mga 50 to 60 shanties. Tapos nagkasunog pa,” ani MDRRMO director Johnny Yu.

Sa kabuuan, tinataya ni Yu na aabot sa 300 mga kabahayan at istraktura ang napinsala sa mga lugar na tinamaan ng buhawi tulad ng Sampaloc, Intramuros, at Lawton.

Dalawang residente naman ang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Gat Andres Bonifacio Hospital nang masugatan sa insidente; habang 15 katao ang nagtamo ng mga pasa at sugat at agad nilapatan ng paunang-lunas.

(Rommel Tabbad at Mary Ann Santiago)