Sinampahan na ng kaso sa Pasig City Prosecutors’ Office ang Filipino-Chinese na itinuturong ‘big time supplier’ ng party drugs at kanyang nobyang radio disc jockey (DJ) matapos makumpiskahan ng drogang nagkakahalaga sa P2 milyong piso sa loob ng condominium unit sa lungsod.

Sa pahayag ni Southern Police District-Public information Office (SPD-PIO) Chief, Superintendent Jenny Tecson, sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek na sina Emilio Lim y Javelona, alyas “Leo”, 32, nakatira sa No.69 Kaimito St., Valle Verde 1,Green Valley Townhouse, Pasig at Karen Bordador y Cortez, 31.

Nakakulong sa SPD headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City sina Lim at Bordador na nahaharap sa mga kasong illegal possession of dangerous drugs at sales and distribution of illegal drugs.

Sa rekord ng SPD, noong Agosto 13, dakong 5:00 ng hapon nagsagawa ng joint operation ang Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng Taguig City Police sa pamumuno ni Senior Insp. Joko Sangel, Eastern Police District (EPD) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa condominium unit ni Lim sa Henry Javier St., Orando, Pasig City.

National

PBBM, kumpiyansa dahil wala umano siyang 'impeachable offense'

Narekober sa mga suspek ang direktang kontrol at pag-iingat sa P100,000 marked money, ilang pirasong sachet ng dahon ng marijuana, marijuana resin/oil at daan-daang ecstacy na umaabot sa halagang P2 milyon.

Bago nadakip ng awtoridad sina Lim at Bordador, unang naaresto ang Filipino-American na si Evan Reynald Baylon, 36, ng Sacramento, Californina, USA, sa ikinasang buy-bust operation ng SAID sa isang parking lot ng Bonifacio Global City (BGC).

Nakumpiska kay Baylon ang P8,000 marked money at 10 pirasong ecstacy na may street value na P1,300 kada piraso.

Itinuro ni Baylon si Lim na siyang pinagkukunan nito ng ecstacy na ibinabagsak o ibinibenta sa mga estudyante, mayayamam at ilang celebrity na mahilig magtungo sa mga bar at club sa Makati at Taguig, dahilan upang magsagawa ng operasyon ang awtoridad at ikinaaresto ng umano’y big time supplier ng party drugs. (BELLA GAMOTEA)