Naniniwala ang anak ng pinaslang na dating konsehal ng Malabon City na pulitika ang nasa likod ng pagkakapaslang sa kanyang ama nitong Sabado ng gabi.
Sa eksklusibong panayam ng may akda, sinabi ni Sheryl Nolasco, chairperson ng Barangay Potrero at anak ni Eduardo “Eddie” Nolasco, 61, na sinabihan ang huli ng ama ng isang mataas na opisyal sa siyudad na huwag nang kumandidato sa barangay elections sa Oktubre.
“Sinabihan po si Papa na huwag na raw tumakbo. Sinabihan po siya ng tatay ng isang napakataas na opisyal dito sa Malabon,” umiiyak na sabi ni Sheryl.
Nasa ikatlo at huling termino na bilang barangay chairperson ng Potrero, kinumpirma ni Sheryl na kakandidatong chairman ang kanyang ama sa Oktubre.
“My father was really planning to run here in our barangay since I already served for three consecutive terms,” aniya. “I am really convinced that it’s politics.”
Dadalawa lamang ang partido pulitikal sa Malabon: ang Pusong Malabonian ni Mayor Antolin “Lenlen” Oreta, at ang Partidong Sanib-Lakas na kinaaaniban ni Nolasco.
Binaril at napatay ng dalawang hindi nakilalang lalaki si Eddie habang nasa isang birthday party. Nitong Biyernes, naging abala pa siya sa pagre-rescue ng mga residenteng binaha sa Malabon.
Sinabi pa ni Sheryl na aktibo rin ang kanyang ama sa kampanya laban sa droga.
“I am begging President Duterte to look into the drug trade here in Malabon, and why illegal drugs is still prevalent here despite intensified operations,” ani Sheryl. (Jel Santos)