ANG Saligang Batas ng 1987 ay nilikha pagkatapos mapalaya ng mamamayan ang kanilang sarili sa malupit at mapang-aping rehimen ng diktadurya. Pinuhunan nila ito ng kanilang dugo at buhay. Naghahayag ito ng kanilang pagmamahal sa bawat isa na naging bunga ng kanilang pagbibigkis, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, upang malusutan ang bangungot na napakahabang gabi silang pinahirapan. Kaya, inalis nila sa batayang dokumentong ito ang parusang kamatayan. Si People’s Champ Senator Manny Pacquiao sa kanyang privilege speech kamakailan ay nais ibalik ito. Gamit ang nalalaman niya sa Bibliya, sinabi niya na napapanahon na para ibalik ang death penalty upang makatulong sa pagsugpo ng krimen.

Ang probisyong nag-aalis sa death penalty ay nakaangkla sa iba pang mga probisyon ng Saligang Batas. Bahagi lang ito ng komprehensibong programa na magpapaunlad ng bansa at magpapabuti sa kalagayan ng mamamayan. Ganito ang dapat mangyari dahil ito ang natutunan natin sa madilim na kahapon ng martial law. Ang kaganiran, kalupitan at karahasang uri ng pamumuno ay higit lang na nagpapadukha sa sambayanan.

Ang napakalaking problema ay ang pag-alis lang ng parusang kamatayan ang pinairal na bahagi ng Konstitusyon. Hindi isinabay dito ang pagpapairal pa ng mga ibang probisyon na pangsuporta sa pag-alis nga nitong death penalty. Bukod dito, may ginawa pa ang mga opisyal ng gobyerno na magpapayaman sa kanila at magpapatibay ng kanilang kapit sa tangan na nilang posisyon na hindi naman nakasaad sa Saligang Batas. Halimbawa, iyong matagal nang ginawa ng mga mambabatas na bigyan nila ng budget ang kani-kanilang sarili bilang pork barrel o PDAF, ang Pangulo naman, ng DAP. Sa bulsa nila nagtuloy ang bulto ng mga ito sa halip na sa mamamayan.

Itinatadhana ng Konstitusyon na magpairal tayo ng tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon. Ibigay sa mga magsasaka ang sinasaka nilang lupa. Tulungan ang mga ito na maparami ang kanilang inaani upang mayroong makain ang sambayanan. Kikita pa sila na may magagamit para sa kanilang pangangailangan. Masusuportahan nila tuloy ang mga indistriya na magbibigay naman ng maramihang trabaho. Pero, ibang uri ng ekonomiya ang ating pinairal. Bukas ito sa mga dayuhang produkto na naging dahilan upang mamatay ang mga industriya natin. Iniasa ang buhay natin sa mga inaangkat na mga banyagang produkto. Ang ekonomiya natin na hindi inambisyon ng Saligang Batas ay nagpalugmok sa mamamayan sa kahirapan. Bakit hindi sila tutungo kung nasaan ang makatutulong sa kanila para mabuhay, kahit ba jueteng ito o ilegal na droga. Ngayon nais silang patayin dahil sa kasalanan ng mga pinuno nating hindi sinunod ang road map na nasa Saligang Batas. (Ric Valmonte)