ANG malagim na pagkamatay ng 10 bilanggo sa Parañaque City Jail kamakailan ay naghatid ng nakababahalang hudyat:

Pagsisikip sa naturang bilangguan. Maaaring may iba pang problema na gumigimbal sa iba’t ibang piitan sa kapuluan, tulad ng nakakikilabot na ilegal na droga, subalit marapat malunasan kaagad ng kasalukuyang administrasyon ang jail congestion na nabigong aksiyunan ng nakalipas na mga pangasiwaan.

Tulad ng malimit bigyang-diin ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, kabilang na ang mga mambabatas, panahon na upang isaalang-alang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kahilingan hinggil sa pagkakaloob ng parole o pardon sa matatanda at may mga karamdaman nang mga bilanggo.

Hindi lamang sa National Bilibid Prison (NBP) matatagpuan ang ganitong mga bilanggo kundi sa halos lahat ng piitan sa bansa na madalas taguriang ‘standing-room-only’ dahil sa pagsisiksikan ng mga preso.

Marapat na rin marahil pagkalooban ng executive clemency ang mga baldadong bilanggo na hindi na makagulapay dahil din sa taglay na iba pang nakahahawang sakit. Kabilang na rito ang mga nahatulan sa karaniwang krimen at hindi sa itinuturing na karumal-dumal na pagpatay.

Labis-labis na nilang napagdusahan ang nagawa nilang pagkakasala sa lipunan. Hindi ba may pagkakataon na ang isang kriminal ay nahahatulan sa kasalanang hindi naman nila ginawa? Kung ang ibang political prisoners ay napalalaya, ang mga bilanggo pa kaya na maliwanag na nagbago, nagbalik-loob at nagkapagsisi na sa kanilang mga pagkakamali?

Nasa kapangyarihan ng Pangulo ang pagtimbang sa nabanggit na kahilingan.

Makabuluhan ngayon ang pagrepaso sa naantala o ‘tila kinalimutang ipatupad na paglilipat ng NBP sa Nueva Ecija. Isa itong higanteng hakbang, wika nga, sa pagpapaluwag sa naturang piitan na ang mga preso ay masyado nang nagsisiksikan.

Matapos paglaanan ng kaukulang pondo, hindi ko matiyak kung bakit ang naturang proyekto ay naudlot.

Dapat na ring isaalang-alang ngayon ang paghahanap ng isang isla na pagtatayuan ng isa ring naiibang bilangguan.

Maililipat doon ang ating mga bilanggo na hindi lamang magdudusa sa kanilang kasalanan kundi magkakaroon pa ng pagkakataong makapamuhay nang malaya at kapaki-pakinabang. Ito ang epektibong lugar para sa makatuturang rehabilitasyon upang sila ay tunay na magiging makabuluhang mamamayan. At makapagpapaluwag sa mga preso.

(Celo Lagmay)