Masangsang na amoy ang naging susi upang madiskubre nitong Linggo ang naaagnas nang bangkay ng isang negosyante sa loob ng tinutuluyan nitong kuwarto ng isang hotel sa Ermita, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Santiago Deomano, 61, tubong Libmanan, Camarines Sur, at pansamantalang tumutuloy sa Tropical Mansion Hotel sa 1242 Jorge Bocobo Street, Ermita, Maynila.
Batay sa ulat ni PO3 Joseph Kabigting kay Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Criminal Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 8:30 ng umaga nitong Linggo nang madiskubre ang bangkay ng biktima.
Naglilinis ng pasilyo sa ikaapat na palapag ng hotel si Marcelo Barnedo, room attendant, nang mapansin ang masangsang na amoy na nagmumula sa silid ng biktima, ngunit hindi sumagot ang huli nang katukin ni Barnedo.
Nang hindi pa rin makausap si Deomano sa intercom at hindi rin mabuksan ang silid nito dahil naka-double lock, inakyat na ng security guard na si Fernando Solis ang fire exit para mapasok ang silid ng biktima.
Nakita ni Solis si Deomano na naaagnas na sa pagkakahandusay sa sahig, nakasuot lang ng puting underwear at walang sapin sa paa.
Nabatid na nag-check-in si Deomano dakong 12:15 ng tanghali nitong Agosto 10 at huling nakitang buhay dakong 9:30 ng umaga noong Agosto 11 nang lumabas ito sa hotel.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang ikinamatay nito. (Mary Ann Santiago)