NAGPATUPAD ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ng Cease and Desist Order (CDO) o pagpapasara sa mga pabrikang nagdudulot ng polusyon sa ilog na inirereklamo ng mga kababayan nating nakatira malapit sa ilog. Ang ipinasara nitong Agosto 11, 2016 ay ang Azzions Recycling Solutions Inc. na nasa Golden Mile Business Park (GMBP) sa Carmona, Cavite. Ang pag-iisyu ng CDO ay pinangunahan ni LLDA General Manager Neric O. Acosta. Sa nilalaman ng ex parte CDO noong Agosto 10, 2016, na nilagdaan ni GM Acosta, iniutos ang agarang pagpapatigil sa pagtatapon ng nakasusulasok at nakalalasong waste water sa ilog ng Carmona. Natuklasan ng LLDA na ang itinatapong tubig mula sa nasabing establisimyento ay banta sa buhay, kalusugan ng mga mamamayan at sa kaligtasan at kabutihan ng mga hayop at halaman.

Bilang pagtupad sa mandato ng LLDA at batay sa Philippine Clean Water Act of 2004, ang CDO ay iniisyu laban sa mga tao at mga pabrika na hindi sumusunod sa mga pamantayan na itinakda sa pagtatapon ng waste water upang maiwasan ang polusyon sa Laguna de Bay. Ang CDO laban sa Azzions Recyclng Solutions Inc. ay ipinatupad bilang tugon ng LLDA sa reklamo ng mga concerned resident sa Barangay Tubigan sa katabing munisipalidad ng Biñan, Laguna noong Mayo 23, 2016.

Ang nasabing barangay ay nasa tapat ng Golden Mile Business Park na pinaghihiwalay lamang ng ilog ng Carmona.

Si LLDA General Manager Neric O. Acosta ang principal author ng Clean Water Act. Ipinahayag niya na ang LLDA ay hindi namimili ng mga uri ng establisimyento na ipinasasara. Tungkulin ng ahensiya na mahigpit na ipatupad ang mga patakaran na itinakda sa lahat ng mga establisimyento anuman ang kanilang industriya upang matiyak ang sustainable resilience ng Laguna de Bay Basin. 

Ipinaliwanag pa ni LLDA GM Acosta ang tungkulin ng ahensiya ay matiyak na ang Azzions Recycling Solutions Inc. ay sinusunod ang mga regulasyon ng LLDA at ng Clean Water Act. Umaasa siya na ang pagpapatupad ng Cease and Desist Order ay isang malinaw na halimbawa kung bakit dapat ipatupad ang mga batas na kaugnay sa proteksiyon o kaligtasan ng ating mga tubig. Anumang bagay na nakapipinsala sa kaligtasan ng tubig ay kailangang alisin sa ating mga ilog.

Sa pagsusuri ng Environmental Laboratory and Research Division ng LLDA, natuklasan na ang Azzions Recyclng Solutions Inc. ay hindi sumunod sa mga pamantayan para sa Class C water Parameters, Chemical Oxygen Demand, at Biological Oxygen Demand.

Ang pagpapasara ng LLDA sa mga pabrikang nagdudulot ng polusyon sa ilog ng Carmona ay ikinatuwa hindi lamang ng mga nakatira sa nasabing lugar, kundi maging ng mga environmentalist.

Magsilbi nawa itong babala sa iba pang business establishment na ang laman ng utak ay kumita nang limpak na sa salapi at walang pakialam sa ating kapaligiran. (Clemen Bautista)