Pormal nang dumulog sa Supreme Court (SC) ang mga dating bilanggong politikal at ilang people’s organization para harangin ang planong pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ito ay sa pamamagitan ng 30-pahinang petisyon na inihain nina Dating Bayan Muna Partylist Congressman Neri Colmenares, Satur Ocampo, Dr. Carol Araullo ng grupong Bayan, Dionito Cabillas ng grupong Selda at iba pa.
Hiniling nila na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order na pipigil sa pagpapalibing sa dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani.
Nais din nila na ipawalang bisa ng SC ang Memorandum ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na may petsang Agosto 7, 2016, gayundin ang direktiba ni Rear Admiral Ernesto Enriquez na bigyan ng hero’s burial si Marcos.
Giit ng mga petitioner, labag ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa batas, partikular na sa regulasyon ng AFP na nagdedeklarang hindi kwalipikadong bigyan ng hero’s burial ang mga miyembro nila na natanggal sa serbisyo o ‘di kaya ay nahatulan sa kasong may kinalaman sa ‘moral turpitude.’ (Beth Camia)