SAN ISIDRO, Nueva Ecija - Dahil sa sobrang kalasingan, isang 59-anyos na biyudong barangay kagawad ang napatay sa bugbog ng kanyang kainuman sa Purok 3, Barangay San Roque sa bayang ito, noong Linggo ng gabi.

Kinilala ng San Isidro Police ang biktimang si Dionisio Bondoc y Villaroza, kagawad ng Bgy. San Roque, na nadawit lang sa rambulan ng mga nag-iinuman.

Sa pagsisiyasat ni PO2 Billy Clemente, nakikipag-inuman ang biktima kasama ang hindi nakilalang suspek at ilang kaibigan nang nagkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa rambulan.

Napagbalingan umano ng galit ng suspek si Bondoc at pinagsusuntok sa mukha at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nang umuwi ay idinaing ni Bondoc ang paninikip ng kanyang dibdib ngunit hindi na siya umabot nang buhay sa Cabiao District Hospital.

Kasong murder ang isinampa sa Prosecutors’ Office laban sa pinaghahanap pang suspek. (Light A. Nolasco)