Kumbidado ni Senator Leila de Lima si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa susunod na linggo hinggil sa sunud-sunod na patayan dahil sa droga.

Sa kanyang bukas na liham para kay Duterte, sinabi ni De Lima na sana ay mapanood at masubaybayan ng Pangulo ang gagawing pagdinig sa Agosto 22 at 23.

Sa kanyang liham, sinabi ni De Lima na may mga indikasyon o teyorya kasi na nagsasabing hindi lahat ng pagpatay ay may kaugnayan, kundi kasabay lamang ng kampanya laban sa droga.

“Sana ay masubaybayan po ninyo ang mga gagawing pagdinig ng Senado ukol sa mga patayang nagaganap. Nais po nating malaman ang katotohanan sa likod ng mga ito,” ani De Lima.

'May milyonaryo ulit!' Lone bettor, wagi ng ₱15M sa Super Lotto 6/49!

“Higit sa lahat, hangad po natin gaya rin ng hangad ninyo, Pangulong Duterte, na palakasin pa ang sistema ng ating mga batas para matiyak ang pag-iral ng batas at paggalang sa karapatang pantao sa lahat ng pagkakataon,” dagdag pa ng Senador.

Pinayuhan naman ni Senator Panfilo Lacson ang mga miyembro ng pulisya na dadalo sa pagdinig na sabihin lamang ang katotohanan at huwag matakot sa gagawing pagdinig. (Leonel M. Abasola)