GEN. NAKAR, Quezon – Iniulat kahapon ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na limang obrero ang na-trap, isa ang nasagip at isa ang nalunod makaraang bumigay ang isang cofferdam dahil sa biglaang pagtaas ng water level at malakas na ragasa ng tubig sa Sitio Sumag sa Barangay Umiray sa bayang ito.

Sa ulat kahapon, kinilala ni Dr. Henry M. Buzar, ng Quezon PDRRMC, ang mga na-trap na obrero na sina David Guiagui, Jr., Roland Sanchez, Danny Harnois, Simion Sig-Od, at Ferdie Sanadan.

Na-rescue naman si Salvador Pacling, habang hindi pa pinapangalanan ang nalunod.

Ayon kay Buzar, ang mga biktima ay kinuha ng Cavdeal International Construction, pangunahing construction firm ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS), para i-divert sa lugar ang bahagi ng tubig ng Angat Dam na nasa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, dakong 6:00 ng umaga nitong Sabado nang gumuho ang cofferdam dahil hindi inaasahang biglaang tataas ang tubig sa dam.

Sinabi ni Buzar na nakipag-ugnayan na ang lokal na Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ang lokal na pulisya para sa deployment ng search and rescue team (SAR) ng 48th Infantry Battalion ng Philippine Army at ng Philex Mining Corporation. (Danny J. Estacio)