RIO DE JANEIRO (AP) — Tatlong panalo na lamang ang kailangan ng all-NBA US team para mapanatili ang korona sa Olympic basketball.
Ngunit, tila hindi ito magiging madali para sa Americans.
Sa ikatlong sunod na laro, dumaan sa butas ng karayom ang Americans at sinandigan ni Klay Thompson para makumpleto ang ‘sweep’ sa preliminary roud ng Group A.
Hataw si Thompson, bigong makaiskor ng double digit sa unang apat na laro ng US, sa naiskor na game-high 30 puntos, tampok ang pitong three-pointer para mailusot ang 100-97 panalo kontra France nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Nakamit ng US ang ika-50 sunod na panalo sa Olympic basketball, ngunit kinailangan nilang pagpawisan ng todo at kabahan taliwas sa naunang 47 laro.
“We’ve obviously had three close games in a row by our standards,” pahayag ni forward Kevin Durant.
“A win is a win. We’ve got to think about how we can be better but we can’t be satisfied.”
Nasiguro naman ng Australia ang No. 2 spot para makaiwas sa US sa quarterfinal match matapos gapiin ang Venezuela, 81-56.
Tangan ng Australia ng 4-1 karta.
“This isn’t a tournament that we’re going to just dominate,” pahayag ni US guard Paul George.
“There’s talent around this world and they’re showcasing it. For us, it’s just figuring out how we’re going to win.
We’re having spurts of dominating, but we’re just not finding ways to put a full 40 minutes together.”
Nanguna sina Nando de Colo at Thomas Heurtel sa France sa naiskor na 18 puntos.