MALAKI ang pag-asam na bibilis na ang Internet sa Pilipinas — ang pinakamabagal sa Southeast Asia at isa sa pinakamabagal sa buong Asia — kasunod ng pagdadagdag ng spectrums ng Philippine Long Distance Co. (PLDT) at Globe Telecom, na nangangasiwa sa dalawang pangunahing telecom systems na Smart at Globe. Nangyari ito noong Mayo at agad na sinimulan ng dalawang sistema ang pagpapalawak ng kani-kanilang serbisyo gamit ang bagong frequency — 700 megahertz — na pinagtuwangan nilang bilhin mula sa San Miguel Corp. (SMC)
Gayunman, itinigil ng Philippine Competition Commission (PCC) ang lahat ng ito at nanawagan ng imbestigasyon sa pagkakabili sa 700-mghz spectrum ng PLDT at Globe mula sa SMC sa halagang P69.1 bilyon, bagamat ang kasunduan ay aprubado na ng National Telecommunications Commission (NTC). Naghain na ng petisyon ang PLDT at Globe sa Court of Appeals upang pigilan ang hakbangin ng PCC na harangin ang kasunduan.
Nasa korte na ngayon ang kaso na inaasahan nating agad na aaksiyunan ang usaping legal kung maaari bang pigilan ng PCC ang transaksiyon na inaprubahan na batay sa sariling mga panuntunan ng PCC. Determinado ang PCC na imbestigahan ang P69.1-bilyon kasunduan na malinaw na ikinokonsidera nito bilang isang anti-competitive agreement, iyong naglilimita at nakapipigil sa kumpetisyon.
Sa ngayon, mahirap maunawaan ang puntong ito dahil pinili ng SMC, na nagkaloob sana ng kumpetisyon sa dalawang kilalang sistema, na ibenta ang 700 megahertz nito sa halagang P69.1 bilyon at palawakin ang iba pang bahagi ng malawak na nitong negosyo. Kung sakaling pinili ng SMC na mag-operate sa sarili nitong spectrum at hinarang ng NTC, magkakaroon ito ng dahilan upang dumulog sa PCC at igiit na nagkaroon ng paglabag sa Philippine Competition Act, Republic Act 10667. Sa halip, pinili nitong pakawalan ang matagal na nitong nakatenggang spectrum at tutukan na lang ang pagpapalago sa iba pang negosyo.
Ang naging hakbangin ng PCA ay gaya ng sa ilan sa mga ahensiya ng gobyerno na pumipigil sa mga negosyo, ang uri na ipinangako ni Pangulong Duterte na tutuldukan niya, sa kanyang inaugural speech, kasunod ng utos niyang “all department secretaries and heads of agencies to refrain from changing and bending rules of government contracts, transactions, and projects already approved and awaiting implementation.”
Ang usaping ito ay isang malaking bagay para sa mga gumagamit ng Internet sa kanilang negosyo, trabaho at pang-araw-araw na buhay. Sinisimulan na ang pagpapabuti sa serbisyo nang pigilan ito ng hakbangin ng PCC. Mas makakabuti sa lahat kung agaran na itong mareresolba.