Pinatawan ng Sandiganbayan ng 50 taon na pagkakakulong ang isang dating opisyal ng Department of Finance (DoF) kaugnay ng pagkakadawit nito, kasama ang anim na iba pa dahil sa kontrobersyal na multi-million tax credit certificate (TCC) scam.

Si dating DoF Deputy Executive Director Uldarico Andutan, Jr. ay napatunayan ng anti-graft court na nagkasala sa five counts ng paglabag sa Section 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Tig-10 taong pagkakapiit ang hatol ng korte sa bawat bilang ng paglabag nito sa anti-graft law.

Tig-40 taon naman ang hatol kina Senior Tax Specialist Rosanna Diala at OIC-Garment Division Reviewer Miriam Tasarra, dahil sa pagkakasala nila sa tig-4 counts ng paglabag sa kahalintulad na kaso.

National

Makabayan bloc, magpapameeting sa mga naghain ng impeachment complaints laban kay VP Sara

Sina Supervising Tax Specialist Raul De Vera, evaluators Gladys Olaño, Irene Magbojos at Lucila Cueto, ay pawang tig-10 taon ang pagkakapiit dahil sa tig- 1 count na paglabag sa nasabi ring kaso.

Hinatulan din ng hukuman sina businessman Mukesh Uttamchandani at Olivia Demetrio ng Precision Garments International (PGI), Kuldip Singh ng J.K. Apparel Manufacturing Inc. (JKAM) at United Apparel Manufacturing Inc. (UAM).

Bukod dito, nahaharap din sa kasong estafa sina Andutan, De Vera, Uttamchandani at Demetrio na nangangahulugan ng hindi bababa sa apat hanggang 20 taong pagkakakulong.

Pinagmumulta rin sila ng pamahalaan ng P28,514,371 milyon.

Sa desisyon ng hukuman, ipinagkaloob ng mga ito sa mga negosyante ang Tax Credit Certificate noong 1997-1998 sa kabila ng kawalan ng legal basis at kawalan ng mga sapat na dokumento.

Paliwanag ng anti-graft court, ang TCC ay ipinapalabas sa mga business entity upang makagamit sila ng imported o lokal na materyales upang makabuo ng panibagong produkto na pang-export sa abroad. (Rommel Tabbad)