Nagkasundo ang implementing panels ng Philippine Government (GPH) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na dagdagan ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Committee (BTC) mula 15 at gawing 21, sa pulong na ginanap nitong Agosto 13 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Sa ipinaskil na video ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO), sinabi ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) peace implementing panel chair Mohagler Iqbal, sa binabasa nitong joint statement, na nagdagdag sila ng anim pang puwesto sa BTC upang matiyak na maisali ang lahat sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement of the Bangsamoro (CAB), ang pinal na kasunduang pangkapayapaan ng GPH at MILF.

Sa 21, sinabi ni Iqbal na 11 miyembro ang ieendorso ng MILF mula walo at 10 ng GPH mula sa dating pito.

Sinabi niya na kapwa inirekomenda ng mga implementing panel ang pagpapalabas ng executive order sa BTC ni President Rodrigo R. Duterte at binigyang diin na nagkasundo ang magkabilang partido sa mga aspeto ng peace and development roadmap.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Irene Santiago, pinuno ng GPH peace implementing panel, na pursigido ang GPH at MILF peace panels na magtulungan upang matiyak ang episyente at inclusive implementation ng nilagdaang kasunduan.

“The parties committed to sustain trust and confidence between GPH and MILF through continued implementation of the deliverables under the program of normalization, including the Bangsamoro trust fund, in the interest of ensuring effective implementation of the peace agreement,” aniya.

Gaganapin ang susunod na pagpulong sa Pilipinas, dagdag niya.

Nagkasundo rin ang mga partido sa mga prinsipyo ng terms at reference ng GPH at MILF peace implementing panels. Ang mga detalye nito ay susunod na tatalakayin.

Idinaos ang pagpulong upang pasimulan ang pagbabalangkas sa CAB at makabuo ng mahusay na batas matapos hindi lumusot sa nakaraang Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL). (Antonio L. Colina IV)