Limang hinihinalang sangkot sa droga ang napatay, habang isa pa ang nasugatan, makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City, bago magmadaling araw kahapon.
Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Senior Supt. Guillermo Eleazar na hindi pa nakikilala ang limang lalaki na nasawi sa pakikipagbakbakan sa mga anti-illegal drugs operative ng QCPD-Batasan Police Station sa Springfield Street sa Barangay Payatas, dakong 12:17 ng umaga kahapon.
Nasugatan naman sa insidente si Jusrel Harold Arevalo, 29, construction worker, ng Bgy. Batasan.
Ginagamot pa si Arevalo sa ospital at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban dito.
Ayon kay Eleazar, nagkasa ng operasyon ang pulisya makaraang mabatid ang talamak na bentahan ng droga sa lugar.
Gayunman, nakahalata umano ang mga suspek kaya pinaputukan umano ang mga pulis, na agad na gumanti.
Dead on arrival ang limang suspek sa East Avenue Medical Center (EAMC) at sa Quezon City General Hospital.
Nakumpiska ng puliya sa pinangyarihan ang isang .38 caliber revolver na may limang bala, apat na .45 caliber pistol, mga basyo ng .45 caliber at M-16, at isang walang laman na magazine ng .45 caliber. (Vanne Elaine P. Terrazola)