Ni MINA NAVARRO
Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tuloy at walang ban ang pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFW) sa Kingdom of Saudi Arabia sa kabila ng pagpapabalik sa libu-libong manggagawang Pinoy dahil sa malawakang tanggalan ng mga dayuhang manggagawa bunga ng pagbaba ng presyo ng langis.
Ayon sa DOLE, ang KSA ang tuluyan ng mahigit 800,000 manggagawang Pilipino, na karamihan ay nagtatrabaho sa konstruksiyon, bahay, at ospital.
Ipinaliwanag ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Hans Leo Cacdac na ang tanging suspendido sa pagkuha ng mga manggagawang Pinoy ay ang apat na kumpanya na dumaranas ng problemang pinansiyal: ang Saudi Oger, Saudi bin Ladin Group, Mohammed Al Mojil, at Al Barghash.
Ito ang nilinaw ni Cacdac kasunod ng mga ulat na may mga Pilipinong aplikante sa KSA ang umatras na magtrabaho doon dahil sa pagpapauwi sa mahigit 11,000 manggagawa na apektado ng pagsasara at pagbabawas ng mga manggagawa mula sa mga nabanggit na kumpanya.
Muli rin niyang pinaalalahanan ang mga aplikante na mag-ingat sa illegal recruiters at tingnan ang listahan ng accredited recruitment agencies upang matiyak na hindi mabiktima ng human trafficking.
3,000 DISTRESSED OFW NATULUNGAN
Kaugnay nito, inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na umabot na sa 3,000 overseas Filipino workers (OFW) na naipit sa Saudi Arabia ang nakatanggap ng P20,000 tulong pinansiyal mula sa pamahalaan.
Sa datos mula sa Philippine Overseas Labor Offices sa KSA, kabilang sa mga nakatanggap ng tulong pinansiyal ang 1,764 OFW sa Riyadh, 1,205 sa Jeddah, at 379 sa Al Khobar.
Ayon kay OWWA Administrator Rebecca Calzado, nakapaglabas na ang pamahalaan ng P66,948,733.98. Hindi kasama rito ang P19,782,000 na ginamit para sa cash assistance ng mga napauwing Pinoy at ibinigay sa mga pamilya ng mga naipit na OFW.
Ang cash assistance o Relief Assistance Program (RAP) ay ipinangako ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga OFW sa kanyang pagdalaw sa Saudi Arabia noong nakaraang buwan.
Tinatayang 9,000 hanggang 11,000 OFWs pa ang naiwan sa Saudi Arabia kasunod ng malawakang tanggalan sa mga nabangkaroteng employer.