RIO DE JANEIRO – Magkahalong pananabik at takot ang nadarama ni Mary Joy Tabal para sa nakatakdang pagtakbo sa women’s marathon sa Linggo ng umaga (Linggo ng gabi sa Manila).

Pilit niyang nilalabanan ang pagkabahala, ngunit sadyang malakas ang kaba dulot nang katotohanan na bagito lamang siya sa laban at mabigat ang pressure para sa atletang tulad niya na inaasahan ng sambayanan para sa pinapangarap na gintong medalya.

“Ibibitay na ako bukas,” pabirong pahayag ni Tabal.

Para maibsan ang nadaramang takot, iniisip niya ang habilin ng kanyang kapwa atleta at mga kapamilya na gawin lang ang makakaya at mag-enjoy sa laban.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Unang Olympics ko ito, kaya sabi nga nila enjoy lang. Hindi natin masabi kung makaulit pa tayo rito,” aniya.

Tunay na mabigat ang pinagdaanan ng reigning Milo Marathon champion at Boston Marathon veteran para makasikwat ng slots sa Rio Olympics.

“Bonus itong nakuha ko, kaya ngayon pa lang labis na ang pasasalamat ko sa mga taong tumulong sa akin para marating ko itong kinalalagyan ko ngayon,” sambit ni Tabal, nagsanay sa Nippon Sports Science Institute sa Japan bago tumulak patungong Rio.

Tangan ni Tabal ang career best time na dalawang oras, 43 minuto at 31 segundo sa 42.195 km race, may 20 minuto ang layo sa winning time na naitala ni Ethiopian Erbo Tika Gelena sa 2012 London Olympics.

“I will just run my own race,” aniya.

Tulad niya, umaasa rin si Fil-American Eric Cray na makapaglaro nang maayos sa kanyang pagtakbo sa preliminary round ng men’s 400m hurdles sa Lunes (Martes sa Manila) sa makasaysayang Maracana Stadium.

“I’m feeling good and I’m ready to race,” pahayag ng two-time SEA Games champion at record holder sa 400m-hurdles.

Hawak ni Cray ang best time ng 48.98 segundo.

“That’s the goal – make it through the rounds and make it to the finals. The goal is to get out of the preliminaries and make it to the semis,” aniya.