HILE-HILERA ang mga upuang walang laman, tubig sa pool na nagkulay-berde, mga kontroladong pagsabog, ligaw na bala, pagpatay sa isang bagitong pulis sa isang favela, pambubugbog sa mga opisyal ng mga koponan, pag-atake sa bus ng mga mamamahayag, paiba-ibang klima, matinding trapiko, malalayong biyahe at kawalan ng Carnival atmosphere.
Nangangalahati na sa Olympics, patuloy na nahihirapan ang Rio de Janeiro sa pagtugon sa sangkatutak na problema na dapat na nitong inasahan nang tanggapin ang hamon na idaos ang napakalaking sports event malayo sa tradisyunal nitong teritoryo, at ngayon ay malinaw nang hindi na ito idaraos muli sa mga rehiyong walang karanasan para rito.
Naging kapana-panabik ang mga kalahok at ang mismong paligsahan, naging mabait at palakaibigan ang mga Brazilian, at bumida sa mga telebisyon sa mundo ang naggagandahang tanawin sa Rio.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal at beterano ng Olympics na mistulang nagitla ang Rio sa napakaraming usapin sa pag-oorganisa kaya naman naging malaking pagkadismaya, kaysa kasiyahan, ang kauna-unahang Olympics sa South America.
“It has been along the lines of what experienced Olympic observers and organizers would have expected,” sinabi ni Dick Pound, ang pinakamatagal na kasapi ng International Olympic Committee (IOC), sa panayam sa kanya ng The Associated Press. “Then you add the political and corruption issues, and they didn’t have a chance to get everything done the way they would have liked to.”
Sinabi naman ni IOC Vice President John Coates sa BBC: “This has been the most difficult games we have ever encountered.”
Pitong taon na ang nakalipas, pinili ng IOC ang Rio kaysa Madrid, Tokyo at Chicago bilang lungsod na punong abala sa 2016 games. Pinaboran ang Rio dahil nakumbinse ang mga miyembro ng komite nang mga panahong iyon na panahon na para idaos ang prestihiyosong Olympics sa South America. Noon, umaalagwa ang Brazil sa larangan ng ekonomiya at pulitika.
Ngayon, hinaharap ng Brazil ang isang nakapanlulumong recession, nahaharap sa impeachment ang suspendidong presidente nito, at maraming pulitiko at negosyante ang sangkot sa maeskandalong malawakang kurapsiyon. Dahil sa tapyas sa budget at problema sa gagastusin, kinailangang magtipid ng mga Olympic organizer.
“There were two or three other candidates in that (2016) race that would have done a much better job,” sabi ni Pound. “There is a reason the games haven’t been held here before. Every day is a challenge.”
Sa maraming bahagi ng Rio, hindi halatang ang siyudad ang punong abala sa Olympics. Ang pag-aayos sa mga pagdarausan ng laro gamit ang “look of the games” branding — mga logo, banner at iba pang disenyo ay pumalpak din dahil kinapos ang serbisyo ng supplier na Ukrainian.
“The good part is that the Brazilian fans are great and the Brazilian people are as helpful as can be,” sinabi ng Olympic historian na si David Wallechinsky sa AP. “The negative part is they are simply not prepared. They had seven years. They should have been able to get it together. They just didn’t.”
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang mga Rio organizer.
“We need to finish what we have started,” sinabi ng tagapagsalita ng Rio organizing committee na si Mario Andrada.
“I’ll be glad to come to you after the games and give you a full detailed report on everything we did well and everything that we did wrong. But we have a lot of celebrate.”
Sinabi naman ng tagapagsalita ng IOC na si Mark Adams: “I think we’ll look back on these games as being a really good thing for the Olympic movement.”
Sa harap ng mga kabiguan, nagtuluy-tuloy ang mga laro at wala namang malaking kapalpakan na nakaapekto sa tagumpay nito. Mahigpit ang seguridad sa buong lungsod, at mahigit sa isang dosenang Brazilian ang nadakip makaraang magdeklara ng katapatan sa Islamic State. (Associated Press)