Hindi lubos-maisip ng pamilya ng isang truck helper na ang pagiging palabiro nito ang magiging sanhi ng kanyang pagkamatay matapos umanong saksakin ng kanyang kaibigan sa Intramuros, Manila, kamakalawa ng hapon.

Dalawang saksak sa dibdib at kili kili ang ikinamatay ni Richard Gonzales, 24, truck helper at residente ng 400 Solana St., Intramuros, Maynila.

Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 2:20 ng hapon nangyari ang pananaksak malapit sa tahanan ng biktima.

Naisipan umano ni Gonzales na biruin ang suspek na si Lito Amaro, 26, at kunin ang rim ng bisikleta nito.

Diokno rumesbak sa pambabastos ng Chinese officials kina Pangilinan, Tarriela, De Lima

Sinubukan umanong bawiin ni Amaro ang rim mula kay Gonzales ngunit ayaw umano ibigay ng biktima at mas lalo pa umanong inasar ang suspek.

Dito na umano nakialam ang live-in partner ni Amaro na si Annie Garra at sinubukang agawin ang rim mula sa biktima ngunit nasaktan lamang ito.

Tuluyan na umanong napikon si Amaro dahil nakitang nasaktan si Garra kayat kinumpronta na nito ang biktima na nauwi sa saksakan. (Mary Ann Santiago)