Katarungan ang isinisigaw ng pamilya ng isang pedicab driver na umano’y napagkamalang drug pusher, matapos pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang lalaki sa sarili nitong tahanan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Angelito Angeles, 57, ng Langit St., Barangay 29 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Angela, dakong 10:00 ng gabi, habang sila’y nanonood ng telebisyon, nang pilit pasukin ng tatlong lalaki ang kanilang bahay.
“Sinira po nila yung pintuan namin tapos hinalughog ‘yung bahay at pagkatapos bigla na lang nilang pinagbabaril ang kapatid ko,” lahad ni Angela.
Ayon pa kay Angela, nakasisiguro siyang hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang kapatid at wala rin itong bisyo.
“Sana po mahal na Pangulong Duterte, imbestigahan ng Caloocan Police ang pagkamatay ng kapatid ko,” pakiusap ng kapatid ng biktima. (Orly L. Barcala)