BUTUAN CITY – Iminungkahi kahapon nina Surigao del Norte Gov. Sol F. Matugas at 1st District Rep. Francisco Jose F. Matugas II kay Tourism Secretary Wanda Corazon Teo na gawin sa “Paradise Island” ng Siargao ang photo-shoot para sa swimwear competition ng 2017 Miss Universe pageant, bilang isa ang isla sa mga ipinagmamalaking tourism destination sa Mindanao.

Ayon sa mga opisyal ng Surigao del Norte at Caraga Region, ang Siargao island—na pinagdarausan ng mga prestihiyosong world competition gaya sa larangan ng game fishing at surfing—ang pinakamagandang lugar para sa pictorials ng mga kandidata ng Miss Universe, dahil na rin sa naggagandahan nitong tourism spot, gaya ng malawak na bakawan, asul at malinaw na dagat na napalilibutan ng puting buhangin, mga rock formation, mga kuweba at beach resort, fish sanctuary, at maliliit na isla.

Nakikiisa naman ang mga stakeholder ng mga travel tour sa rehiyon, gayundin ang mga tourism official, sa rekomendasyon ng mga opisyal ng lalawigan para gawin sa isla ang 2017 Miss Universe swimsuit competition.

Ayon sa dalawang opisyal, umalagwa ang turismo sa lalawigan sa nakalipas na mga taon makaraang pumalo sa 420,448 ang tourist arrivals noong 2015 mula sa 187,875 noong 2010, o 123.8% pagtaas—at ang Siargao ang pinakadinagsa sa probinsiya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa susunod na buwan, magkasunod na idaraos sa Siargao Island sa bayan ng General Luna ang 2016 World Surfing Cup at 2016 National Surfing Cup. (Mike U. Crismundo)