IILAN ang nakakaalam na sa Malaysia na nagpatuloy ang singing career ni Michelle Ayalde, ang kumanta ng Ang Hanap Ko na adaptation ng theme song ng Meteor Garden nang ipalabas sa ABS-CBN at maging craze ito sa Pilipinas noong 2003.
Nawala sa local showbiz si Michelle at hindi masyadong naibabalita na tuluy-tuloy pa rin ang pagkanta niya sa Malaysia. Napanood sa YouTube ng presidente ng Worldwide Platinum Records na si Mickey Willingham ang performance niya sa ASAP at tinawagan siyang sumali sa banda nitong Crush Crew Project noong 2012.
Nagdalawang-isip noong una sa imbitasyon si Michelle pero hindi naman niya pinagsisisihan ang kanyang naging desisyon. Lead singer siya ngayon ng Cash Band na regular na napapanood sa Soju Club Malaysia.
Nagbalik-bansa ang kilalang biritera at dating Ang TV singer para i-promote ang kanyang international album na Hipnotic.
Napakasaya ni Michelle sa kanyang pagbabalik sa bansa dahil bukod sa bakasyon, balik-entablado rin siya para ibahagi ang kanyang bagong album sa Pinoy fans. Ang self-titled at huling album na ginawa ni Michelle sa Star Records ay noong taong 2005 pa.
“Ngayon it’s kind of different from my previous album. At the same time I’m really proud of it because I got to work with different race (while making it),” sabi ng Wansapanataym at Meteor Garden theme song singer.
Ang napakataas na boses ni Michelle ay naging asset niya para maging kakaiba ang kanyang style at tunog sa mga awiting Regret It, Missing You, Love at ang carrier single na Hipnotic.
Ang kanyang seven-track Hipnotic album na produced ng Malaysian label na Worldwide Platinum Records ay released ng Warner Music Malaysia. Malaki rin ang pasasalamat ng dating Star Magic Batch 10 member sa kanyang album producers na si Pierre Paolo Banaga at Elton Collins. Available na ito sa Spotify at iTunes.
Ginanap ang official launch ng kanyang first international album na nitong nakaraang Agosto 11 sa 12 Monkeys Makati na dinaluhan ng mga dati niyang kasamahan at kaibigan sa industriya na sina Celine Lirio, Allyzon Lualhati, Janus del Prado at MarcelitoPomoy. Naging host nang gabing iyon si Tippy Dos Santos.
Pagkatapos ng promotion ng kanyang album dito sa Pilipinas, balik Malaysia si Michele para sa kanyang commitment as lead singer ng Cash Band. (DINDO BALARES)