WALANG humpay ang buhos ng ulan simula pa noong Biyernes at kung hindi papaltos ang forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na limang araw na magtutuluy-tuloy ang pag-ulang ito na dala ng hanging habagat, siguradong maraming lulubog na lugar sa buong Metro Manila.

May minarkahang 22 lugar ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na mga lugar na palaging binabaha sa Metro Manila para sa mga motoristang kinakailangang bumiyahe kahit na matindi ang pag-ulan.

Kayat kung dadaan ka sa mga lugar na ito sa kalakasan ng buhos ng ulan, medyo mag-isip-isip na kung kakayanin ng iyong sasakyan: España-Antipolo-Maceda sa Maynila; P. Burgos-sa paligid ng Manila City Hall; Osmeña-Skyway northbound(NB) at southbound(SB), Makati; EDSA-North Avenue, Quezon City (QC); Don Bosco, Makati; Buendia-SB at NB; Buendia-South Superhighway(NB); C-5-Bagong Ilog; West Service Road, Merville, Paranaque City; East Service Road, Sales Street; North Avenue sa harap ng Trinoma; Buendia extension, Macapagal ave - World Trade; EDSA - Camp Aguinaldo Gate 3 QC; NLEX Balintawak – Cloverleaf QC; EDSA Megamall sa Mandaluyong City; EDSA Pasong Tamo Magallanes Tunnel; Quezon Ave, Victory ave /Biak na Bato sa QC; C-5-BCDA, Taguig City; R. Papa-Rizal Ave, Maynila; C-5 Mckinley Road Makati; C-5 Bayani Road, Makati; at Philcoa Area, QC.

Hindi pa kasama rito ang mga lugar ng kabahayan na lumulubog din agad sa baha kapag walang humpay ang buhos ng ulan gaya ng Roxas District at Talayan Village sa Q.C; Pinaglabanan sa San Juan; Navotas, Malabon; Balut at Gagalangin sa Tundo, Maynila; sa Dimasalang, Sampaloc at Sta Mesa sa Maynila rin.

Para sa mga bagong henerasyon na galit na galit sa mga ahensiya ng pamahalaan na inaakala nilang nagpapabaya kayat ‘di nalulunasan ang problemang ito, huwag kayong mag-alala at ‘di ninyo solo ang problema. Kaming mga henerasyon ng “Baby Boomers” sobrang naranasan din ito noon dahil ang mga lugar na binabaha ngayon ay ang mga lugar din mismo na binabaha noon. ‘Yung iba rito ay pangalan lang ng mga kalye ang napalitan, pero yung baha ay hindi nawala.

Pero kung ako ang tatanungin ninyo, sobrang na-enjoy ko ang pagtatampisaw sa mga bahang katulad nito. Kami kasing mga batang may kalikutan at medyo matitigasang ulo noon sa aming lugar sa Tundo, Maynila— sa halip na magkulong sa bahay kapag may baha ay naglalabasan at dinadayo pa ang mga lugar na binabaha para doon maligo sa ulan habang nagtatampisaw sa umaapaw na tubig sa kalsada.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)