Dalawang lalaki na hinihinalang karnaper ang napatay sa isang engkuwentro ng mga nagpapatrulyang pulis matapos umanong maaktuhan sa pagnanakaw ng motorsiklo sa harapan ng isang eskuwelahan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Sammy”, 20, katamtaman ang pangangatawan, at si “Intoy”, 20.
Sa ulat ni PO2 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 2:45 ng madaling araw nang libutin ng mga pulis ang bahagi ng M. Hizon Elementary Elementary School sa Jose Abad Santos Avenue, Tondo.
Napansin umano nina PO1 Zedrick Dumon at PO1 Jo Christian Isidro ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek at at napansing itinutulak ang isang kulay gray na Suzuki Shogun na walang plate number.
Dahil dito, nilapitan na umano ng mga pulis ang mga suspek at sinita sa kanilang ginagawa ngunit bigla na lang umanong bumunot ng baril ang mga ito at pinaputukan ang mga pulis.
Kaagad namang pinaputukan nina Dumon at Isidro ang dalawa na naging sanhi ng kanilang pagkamatay. (Mary Ann Santiago)