NAKATAKDANG nang ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi ni Pangulong Marcos sa kapahintulutan ni Pangulong Digong. Bibigyan pa raw ito ng state funeral.

Kung bibigyan ng ganitong uri ng paglibing, hindi lang isinaalang-alang ang pagiging sundalo kundi ang pagiging Pangulo rin, at dahil sa kanyang naging serbisyo, ay maituturing na isa ring bayani. Eh, kaya ipinalibing ni Pangulong Digong ang labi ng dating Pangulo sa sementeryong ito ay hindi raw dahil sa siya ay naging Pangulo kundi siya ay naging sundalo na naglingkod sa bayan. Sa mga sumasang-ayon sa ginawa ni Pangulong Digong, mabuti na raw nga ito para matuldukan na ang matagal nang isyu.

Hindi isyu rito ang pagiging Pangulo ni Marcos, o kaya ay ang kanyang pagiging sundalo. Kahit na sinasabing genuine ang mga medalyang nakuha niya sa kanyang paglilingkod bilang sundalo. Ang mahalaga ay ang kanyang mga nagawa pagkatapos ipagkatiwala ng taumbayan ang kanilang kapangyarihan nang ihalal siyang Pangulo ng bansa.

Ang pagkapanalo niya ng kanyang ikalawang termino laban kay Sergio Osmeña ay dinaan lahat sa panlalamang. Kahit walang dahilan, nagdeklara siya ng ilang araw na holiday bago mismo ang araw ng halalan. Kaya naipit sa bangko ang salaping gagamitin ng kanyang kalaban sa huling araw ng kampanya. Binaligtad niya ang kaban ng bayan at ginamit ang salapi para sa kanyang kandidatura. Kaya, nang dalawin ng kalamidad ang bansa pagkatapos ng halalan, hindi na makaresponde ang gobyerno sa pangangailangan ng mamamayan.

Sa kanyang ikalawang termino, naghirap at nagutom ang sambayanan. Nang magreklamo na sila, ang tingin niya sa kanila ay komunista. Sinuspinde niya ang writ of habeas corpuz at pakalipas ng isang buwan, ideneklara na niya ang martial law.

Ipinakulong niya ang lahat ng kalaban niya sa pulitika. Pinagtaksilan niya ang taumbayan. Inagaw niya ang kanilang kapangyarihan na siya niyang ginamit laban sa kanila upang maisulong ang kanyang pansariling interes. Namuno siya sa pamamagitan ng kasinungalingan at karahasan. Bumaha ng dugo at luha ang bansa.

Maraming pinatay, nangabuwal at nangawala na karamihan ay mga manggagawa at magsasaka na ang kanilang kasalanan ay hindi mapigil ang pagkalam ng kanilang sikmura. Nalambungan ng kadiliman ang bahaging ito ng ating kasaysayan.

Napipintong mabalewala ang buhay at dugong pinuhunan ng mamamayan para nila mabuwag ang taong nagpahirap sa kanila sa paglagak ng kanyang labi sa libingan ng mga bayani. Habang dito siya nakahimlay, bukas ang isyu kung siya ay nararapat dito. Tatagos ito sa marami pang susunod na henerasyon ng Pilipino. (Ric Valmonte)