UMAASA pa rin tayo na isang araw, ang pagtatrabaho at paninirahan sa ibang bansa ay magiging “a choice, more than a need” para sa mga Pilipino. Ito ang binigyang-diin ni Vice President Leni Robredo sa kanyang pakikipag-usap sa mga miyembro ng University of the Philippines Association at iba pang kasapi ng Filipino-American community sa Philippine Center sa San Francisco, California, noong nakaraang linggo.
Mahigit 10 milyon sa 102 milyong Pinoy ang nakatira at nagtatrabaho sa lahat ng dako ng mundo ngayon. Walang sulok ng planeta na wala kang makakasalubong na Pilipino—nagtatrabaho bilang inhinyero sa isang planta ng petrolyo, information technology professional sa isang opisina, guro sa isang eskuwelahan, manggagawa sa isang pabrika, tripulante sa barko, nurse o doktor sa isang ospital, musikero sa isang club, tauhan sa isang hotel, o domestic helper o caregiver sa isang pribadong tahanan.
Mahigit isang milyong Pilipino ang umaalis sa bansa taun-taon upang magtrabaho sa ibayong dagat at marami sa mga ito ang nananatili na sa pinuntahan upang maging mamamayan ng isang bagong bansa. Kakatwa rin na mas maraming babaeng manggagawa (51.1 porsiyento) kaysa babae ang umaalis sa bansa. Karamihan sa mga Pilipinong ito ngayon ay nasa United States, sa Saudi Arabia at sa iba pang bansa sa Middle East, sa Canada at Australia, sa Europe, at sa mga kalapit na Singapore, Hong Kong, Japan, at Taiwan.
Ang ipinadadala nilang remittance sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga pormal na banking network ay umabot sa $25.8 billion noong 2015, na naging pangunahing tukod sa ekonomiya ng Pilipinas. Mayroon din mga personal remittance na umaabot sa $28.5 billion na hindi naitala ng sektor ng pagbabangko—kaya sa kabuuan ay nasa $54.26 billion ang remittance noong nakaraang taon. Katumbas nito ang P2.5 trilyon na sumusuporta sa mga pamilya ng mga OFW dito. Kaya naman hindi nakapagtatakang hindi inaapura ng gobyerno ang paglikha ng mga programa na magkakaloob ng mas maraming trabaho sa mamamayan.
Ngunit hindi natin dapat asahang mananatili ang sitwasyong ito sa habambuhay. Kahit ngayon, mayroon nang mga senyales na kumakaunti na ang mga oportunidad ng trabaho sa ibang bansa. Nasa 11,000 Pilipino ang stranded ngayon sa Saudi Arabia makaraang magsara ang mga pinagtatrabahuhan nilang kumpanya kasunod ng pagsadsad ng pandaigdigang presyo ng langis. Inatasan ni Saudi King Salman bin Abdulazzi al Saud ang gobyerno nito na tulungan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain sa mga ito at paghahanap ng ibang trabaho para sa mga ito, bukod pa sa sasagutin ang pasahe sa eroplano para sa mga nais umuwi sa Pilipinas dahil hindi na makahanap ng bagong trabaho roon.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga Filipino-American sa California, sinabi ni Vice President Robredo, “One day, our OFWs will return home and I hope that by then, they will be welcomed back by a country where everyone is given equal opportunity and access to government services.” Hindi ito maisasakatuparan, aniya, “if we do not act now.”
Iginiit niya ang mungkahi niya sa gobyerno na magtayo ng mga one-stop shop sa iba’t ibang panig ng bansa, tulad ng Naga Migrant Resource Center, na nagbukas noong Disyembre ng nakaraang taon, at nag-aalok ng ayuda sa mga OFW sa pamamagitan ng mga pagsasanay, skills matching, at assessment ng mga recruiting agency; gayundin sa serbisyong legal, mga impormasyon sa pagtitipid, at pagsasanay para makapagsimula ng kahit maliit na negosyo.
Ngunit ang pinakapangunahing programa na dapat nang simulang planuhin ng gobyerno ngayon at ipatupad sa mga susunod na buwan at taon ay ang paglikha ng maraming trabaho. Kailangan ito para kapag sumapit ang araw na marami sa ating mga OFW ang magsisiuwi kasabay ng paglobo ng ating populasyon, ay kakailanganing magtrabaho ng ating mamamayan sa sarili nating bansa.