TACURONG CITY, Sultan Kudarat – Patay ang hepe ng Cotabato City Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (CAIDSOTF) matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang pauwi sa Barangay EJC Montilla sa lungsod na ito, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Danny Reyes, hepe ng Cotabato City Police, ang pinaslang sa matitinding tama ng bala ng .45 caliber pistol na si Senior Insp. Orlando Guira, 46, ng Bgy. EJC Montilla, Tacurong City, Sultan Kudarat.

Batay sa pahayag ng maybahay ni Guira na si Le Jeanne Guira, pasado 8:00 ng gabi at galing silang mag-asawa sa isang hilot ngunit sa halip na umangkas sa kanilang motorsiklo ay pinili ng biktima na sumakay sa isang tricycle upang hindi malamigan.

Nabatid na bumuntot ang mga suspek sa tricycle at sa bahagi ng national road sa Bgy. EJC Montilla ay lumapit ang itim na motorsiklo ng mga suspek at binaril ang biktima, na agad namatay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Naniniwala ang Tacurong City Police na may kaugnayan sa maigting na kampanya ni Guira laban sa droga ang pagpatay dito, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya. (LEO DIAZ)