MALOLOS CITY, Bulacan – Habang nagpapatuloy ang pag-ulan na dulot ng habagat, nasa 23 barangay sa anim na bayan sa Bulacan ang nananatiling lubog sa hanggang anim na talampakan ang taas na baha, iniulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kahapon ng umaga.

Ayon sa PDRRMO, 1,632 pamilya o 8,269 na indibiduwal mula sa 23 nakalubog sa baha na barangay sa Balagtas, Bocaue, Marilao, Sta. Maria, Norzagaray at Meycauyan City ang inilikas na sa 26 na evacuation center sa lalawigan.

Sinabi ni Liz Mungcal, ng PDRRMO, na nasa isa hanggang dalawang talampakan ang taas ng baha sa mga barangay ng Borol 1st, Wawa, Panginay, San Miguel, San Juan at Longos sa Balagtas; gayundin sa Bambang, Antipona at Taal sa Bocaue.

Sa Marilao, umabot sa anim na talampakan ang baha sa Barangay Liyas, at mataas din ang baha sa mga barangay ng Magbalon, Ibayo, at Poblacion 1. Nasa anim na talampakan din ang baha sa Bgy. Bagbaguin sa Sta. Maria at apat na talampakan naman sa Bgy. Poblacion.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Lubog din sa baha ang Bgy. Matictic sa Norzagaray; ang mga barangay ng Caingin, Lawa, Bayugo, Gasak, Zamora, Hulo, Pandayan, Tugatog, Malhacan, Banga, Calvario, Saluysoy, Bancal at Longos sa Meycauayan City.

Hindi naman madaanan ang McArthur highway sa Meycauayan City, gayundin ang Banga patungong Valenzuela at Pandayan malapit sa SM Marilao.

Nakaalerto rin ang pamahalaang panglalawigan sa pagbabawas ng tubig ng Angat Dam, Bustos Dam at Ipo Dam, gayundin sa posibleng pag-apaw ng sapa sa Candaba at Pampanga River. (Freddie C. Velez)