Nagbabala kahapon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay ng pagbabaha sa anim na rehiyon sa bansa dulot ng halos walang tigil na buhos ng ulan, na epekto ng habagat sa Luzon at Western Visayas.
Sinabi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC executive director at concurrent administrator ng Office of Civil Defense (OCD), na apektado ng baha ang 21 lalawigan dahil sa pag-apaw ng mga ilog at iba pang daluyan.
Apektado ng tuluy-tuloy na pag-ulan ang mga ilog at daluyan sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, Pangasinan at La Union sa Region 1; Bataan, Aurora, Bulacan at Zambales sa Region 3; at Quezon, Cavite, Laguna, Rizal at Batangas sa Calabarzon (Region 4-A).
Nakaalerto rin sa baha ang Occidental Mindoro, Palawan, Oriental Mindoro at Marinduque sa Mimaropa (Region 4-B); Antique, Capiz, Negros Occidental, Iloilo at Aklan sa Region 6 (Western Visayas).
Sa Marikina City, batay sa huling tala, dakong 10:30 ng umaga kahapon, ay nasa 16.2 meters (second alert) na ang tubig sa Marikina River.
Ayon sa NDRRMC, nasa 1,781 pamilya o 9,152 katao sa Marikina ang nananatili sa 17 evacuation center hanggang sa kasalukuyan. - Francis T. Wakefield