TACLOBAN CITY, Leyte – Sinagip ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 8 nitong Sabado ang 15 sa 16 na sawa na natagpuan sa bahay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa at ng anak niyang umano’y drug lord sa Eastern Visayas.

Ayon kay DENR-Region 8 Director Leonardo R. Sibbaluca, isang hindi nagpakilala ang tumawag sa kanyang tanggapan nitong Biyernes para kuwestiyunin ang pag-aalaga ng mag-amang Espinosa ng mga sawa sa bahay ng mga ito sa Sitio Tinago sa Barangay Benolho, Albuera.

Sinabi ni Sibbaluca na makaraang makumpirmang walang permit ang mga Espinosa, ikinasa na ng kagawaran ang pagsagip sa mga sawa.

Aniya, sa 15 sawa na nasagip ng DENR ay 11 ang Philippine python, habang ang apat ay imported kabilang ang dalawang albino Burmese python.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Dagdag pa ni Sibbaluca, pawang nanghihina at gutom na gutom ang mga nasagip na sawa samantalang ang isa sa 16 ay patay na nang datnan ng rescue team.

Sinabi ng opisyal na kakasuhan ng kanyang tanggapan ang alkalde sa paglabag sa RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act). (Restituto A. Cayubit)