Ni MINA NAVARRO
Nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III na gugulong ang ulo ng ilang mga opisyal ng Pilipinas sa Saudi Arabia kapag napatunayang nagpabaya ang mga ito sa kanilang mga tungkulin upang matulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng malawakang tanggalan dulot ng pagbaba ng presyo ng langis.
Ayon sa kalihim, kapag napatunayan ang mga ulat na nakarating sa kanya ay itutuloy niya ang pagtatanggal ng mga labor attaché at mga welfare officers doon lalo na kung maliwanag na nagpabaya sa pag-aalaga sa mga migrants workers.
Ginawa ni Bello ang pangako sa ginanap na pagpupulong sa mga umuwing OFWs at mga pamilya ng mga OFWs na nasa Saudi Arabia pa rin na naghihintay ng kanilang back pay at end-of-employment benefits mula sa kanilang dating mga kumpanya.
Sa ginanap na pulong sa DOLE, nagsumbong ang mga kamag-anakan ng mga naiwang naipit na OFWs na may mga opisyal na walang kaya o tila walang kasiglahan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga kaanak.
Ang iba ay nagreklamo na ang ibang labor officials ay humihingi ng mga dokumento na mahirap makuha tulad ng payslips mula sa mga kumpanya na huminto sa pagbabayad ng OFWs na hindi bababa sa anim na buwan.
Una na ring sinibak ni Bello ang labor attaches sa Riyadh at Jeddah noong Hulyo dahil sa umano’y pagkabigo na matugunan ang pangangailangan ng mga OFWs na natanggal sa kani-kanilang lugar.
Sinabi pa ng kalihim na napabayaan ang mga migrant workers duon, dahil mahigit isang taon na palang may sitwasyon ng krisis ngunit walang nakakarating sa DOLE.