Patay ang dalawang lalaki nang manlaban sa mga pulis na nagsilbi ng search warrant sa kanilang tahanan sa Sta. Ana, Maynila kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Alvin Comia, 39, tubong Laguna at Gaerlan Makahilig, kapwa residente ng 1716 Road 1, Bagong Sikat, Punta, Sta. Ana, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO2 Ryan Jay Balagtas, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 1:50 ng madaling araw naganap ang insidente.
Nauna rito, sinalakay ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID-SOTU) ng MPD-Station 6 ang lugar, upang umano’y ihain ang search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 37, 3rd Vice Executive Judge Virgilio Macaraig laban kay Comia kaugnay sa ilegal na droga.
Pagdating sa lugar ay kaagad nang pumuwesto ang mga pulis, habang si PO1 Princeton Felia ang naatasang unang pumasok sa bahay ng mga suspek.
Gayunman, pagkakita pa lang umano ni Comia kay PO1 Felia ay tila hindi na ito mapakali hanggang sa binubot ang kanyang baril at nagpaputok.
Napilitan naman si PO1 Felia paputukan ng tatlong beses si Comia na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Nang marinig ang putukan, kaagad umanong bumaba mula sa ikalawang palapag si Makahilig na armado na ng baril kaya’t inunahan na itong barilin ni PO1 Felia.
Narekober mula sa suspek ang dalawang kalibre .38 at 29 na pirasong plastic sachet ng shabu. - Mary Ann Santiago