ISA sa mga nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25 ang Laguna de Bay. Inatasan niya si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez na gibain ang mga fishpen sa Laguna de Bay na ang mga may-ari ay mga retiradong opisyal ng pulisya at militar, maipluwensiyang mga negosyante at mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Pangulong Duterte, kapag siya’y nasa eroplano at pauwi sa Davao City, at nadaraan sa tapat ng lawa, tanaw niya na halos nabakuran na ng mga fishpen ang lawa. Ang mga mangingisda na wala nang lugar sa Laguna de Bay na mapangisdaan.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte: ‘’I am saying in a diplomatic way that Laguna Lake should transformed into a vibrant economic zone showcasing ecotourism by addressing the negative impact of the watershed destruction, and pollution. Ito ang inilagay ko: “This is what I am telling you. The poor fishermen will priority to its entitlements.” Agad naman kumilos si DENR Secretary Gina Lopez. Sa isang press conference kamakailan sinabi niya na ang mga unang plano niya sa Laguna de Bay upang sundin ang utos ng Pangulong Duterte ay ang paggiba ng mga fishpen sa lawa, ayusing muli ang mga sewage system sa mga pamayanan na nasa tabi ng lawa at ang malawakang reforestation sa mga bundok na nakapalibot sa Laguna de Bay. Dahil sa pagkapanot ng mga bundok, kapag bumabaha, ang mga putik ay napupunta sa lawa at nagiging dahilan ng pagbabaw o siltation nito.

Ayon pa kay DENR Secretary Lopez, kailangang magkaroon ang lokal na pamahalaan ng sewage treatment plant. Gagawing demokratiko ang mga fishpen at industriya ng pangingisda upang makinabang ang mga mamamayan lalo na ang mahihirap at hindi ang mga mayayaman. Sisiguruhin din ang pagpapatupad ng mga batas lalo na ang mga batas ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na ang mga fishpen operator ay kailangang kumuha ng valid permit. Pag-uukulan din ng pansin ang lahat ng reclamation na nangyari na naging dahilan ng pagbabaw ng lawa. Kung maibabalik ang dating kalagayan ng Laguna de Bay, magiging mabuti ang kapakanan ng lahat ng munisipalidad na nasa paligid ng lawa.

Ang paggiba sa mga fishpen sa Laguna de Bay noon pa man ay isang tuluy-tuloy na gawain ng LLDA, sa pangunguna ni LLDA General Manage Neric Acosta. Pinagigiba ang mga illegal fishpen at mga walang permit na ang mga may-ari ay balasubas. Bukod sa walang permit ay nagdudulot pa ng pollution sa lawa sapagkat ang ipinakakain sa mga bangus sa loob ng fishpen ay dumi ng mga manok.

At noong Hulyo 15, 2016, may 23 ektarya ng fishpen ang giniba ng LLDA. Ang fishpen ay nasa Barangay Boor, Talim Island, Cardona, Rizal. Ang kawalan ng permit ay isang malinaw na paglabag sa rules and regulations na ipatutupad ng Revised Laguna de Bay Zoning and Management Plan (ZOMAP).

Bilang pagsunod sa atas ng Pangulo na gibain ang mga fishpen sa Laguna de Bay, nitong Agosto 9, giniba ng LLDA at ng DENR ang mga fishpen sa Laguna de Bay na nasa bahagi ng Pritil, Binangonan, Rizal. Bukod dito ay giniba rin ang dalawang illegal fishpen na parehong may 50 ektarya ang lawak ng fishpen na pag-aari ng Seven Eleven Fishing Corp na walang mga kaukulang dokumento mula sa LLDA.