Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng nawawalang si PO2 Ryan Casiban, sa damuhan sa Barangay Agus sa Lapu-Lapu City, Cebu, nitong Biyernes ng gabi.

Dakong 10:00 ng gabi nang matagpuan ng mga batang naglalaro ang bangkay ni Casiban.

Basag umano ang mukha, may mga pasa sa paa at naaagnas na ang bangkay ng pulis, na nakasuot ng puting T-shirt, police pants at walang sapin sa paa.

Naniniwala ang Scene of the Crime Operations (SOCO) ng pulisya na biktima ng summary execution si Casiban.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Miyerkules ng madaling araw nang biglang umalis sa kanyang puwesto bilang duty desk officer si Casiban, ngunit bago lumisan ay isinulat niya sa blotter na bahagi ng sindikato ng droga sa bansa sina retired Gen. Marcelo Garbo at retired Gen. Vicente Loot.

Matatandaang una nang nakabilang sina Loot at Garbo sa mga heneral ng pulisya na ayon kay Pangulong Duterte ay sangkot sa droga.

Ilang minuto makaraang umalis sa police station si Casiban ay narekober sa Lapu-Lapu City ang kanyang abandonadong motorsiklo, M16 rifle, handheld radio at pang-itaas na police uniform.

Kilala sa aktibong kampanya laban sa droga, naulila ni Casiban ang apat niyang paslit na anak.- Jun Fabon