MAY kuwento tungkol sa isang mayamang negosyante na nababahala sa isang tamad na mangingisda na nakaupo sa tabi ng kanyang bangka. “Bakit hindi ka nangingisda? tanong ng negosyante.
“Dahil sapat na ang mga isdang aking nahuli para sa araw na ito.” sagot ng mangingisda.
“Bakit hindi ka manghuli nang higit pa sa iyong kailangan?” tanong ng mayamang lalaki. “Bakit ko naman gagawin ‘yon?” balik-tanong ng mangingisda.
“Mas malaki ang iyong kikitain, makakabili ka ng mas magandang bangka kaya’t mas marami ang iyong mahuhuling isda.” Sagot ng negosyante.
Muling nagtanong ang mangingisda, “At anong gagawin ko?”
“Maaari ka na lang maupo at i-enjoy ang buhay,” paliwanag ng negosyante.
“At anong sa tingin mo ang ginagawa ko ngayon?” nakangiting sagot ng mangingisda habang tinititigan ang dagat.
Maaaring natawa tayo sa kuwentong ito. Ngunit, ang ugali ng mangingisda ay maaaring maging halimbawa ng ilang Pilipino na kontento sa simpleng pamumuhay.
Ang kalabisan ay kailangang iwasan. Habang mali na magkanda-kuba sa pagtatrabaho para lamang magkaroon ng mga materyal na kayamanan.
Sa ganitong sitwasyon, hinahangaan natin ang mga taong tulad ni Emerson Pagia, isang inspirational sharer sa ating “7 Last Words” sa ABS-CBN dalawang taon na ang nakalilipas, na hindi kontento sa buhay sa pagbebenta ng balut at ipinamalas ang kanyang talento sa pagkuha ng kursong may kinalaman sa information technology.
Sa kanyang pagbisita sa online, nabasa niya ang anunsiyo tungkol sa web development scholarship. Nag-apply siya at pumasok. Matapos ang klase, ipinagpatuloy niya ang paglalako ng balut dahil hindi pa naman siya natatanggap. Kinumpleto niya ang programa at isa sa mga nangunang scholar sa kanyang klase.
Agad siyang tinaggap ng Informatics School sa Web development team. Natanggap ni Pagia ang una niyang IT project—ang online student portal ng isang eskuwelahan.
Mismong ang Panginoong Diyos ang nagtuturo sa atin na maging malikhain, laging maging mahusay.
Ipinahayag niya ang mensaheng ito sa Parable of the Talents (Mt 25, 14-30).
Huwag agad makuntento sa maliit na bagay na iyong pinagkukunan, sa mga bagay na nakamit mo na o kaya’y sa spiritual growth kundi ay mas lalo mo pang pag-igihan ang bawat ginagawa sa araw-araw.
QUIPS. Kung mas berde ang damo ng iba, huwag kang mainggit. Hindi mo alam ay baka mas malaki ang bayarin nila sa tubig.
Kahit na ikaw ay natutulog sa libu-libong carpet room, isang carpet lang ang kaya mong tulugan.
(Ang pagnanakaw ng yaman ay hindi mo ikasisiya)–Japanese Proverb.