Ni MARY ANN SANTIAGO

Napisak ang magkapatid na teenager, samantala 15 iba pa ang malubhang nasugatan nang madaganan sila ng gumuhong pader sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.

Hindi na naisalba pa ng mga doktor ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang magkapatid na sina Argielyn Joy Viriña, 16, at Mary Hope Viriña, 14, kapwa residente ng 866 Oroquieta St., corner Doroteo Jose St., Sta. Cruz, dahil sa tindi ng pinsala sa ulo at katawan.

Ayon kay Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Chief Johnny Yu, tinatayang 15 katao pa ang nasaktan at nasugatan sa insidente.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Habang isinusulat ang balitang ito ay dalawa pa lamang sa mga ito ang nakilala at ito ay sina Rommel Idio, 31, at Arnold Gomez, 35.

Samantala, isa si Jun Mabanag, director ng Manila Police District Press Corps (MPDPC), sa mga naghihinagpis sa sinapit ng mga biktima dahil matagal na umanong umuuga ang pitong talampakang pader.

“Umuuga na kasi ang pader na ‘yan, sinabi ko na ‘yan kay Barangay Chairman Honey Perez, na i-meeting ‘yung mga nakatira diyan dahil delikado na ang pader ,may isang taon na ang nakakalipas pero hindi naman niya ako inintindi,” ani Mabanag.

Agad namang nagpadala si Manila Mayor Joseph Estrada ng mahigit 50 rescuer at mga emergency unit sa lugar upang tulungan ang mga naapektuhang pamilya.

Nagpadala rin ang Department of Health (DoH) ng pitong ambulansya sa lugar, habang tumulong na rin sa rescue operation ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Manila Police District (MPD).