Nais ni Sen. Bam Aquino na silipin kung paano itinuturo ang Martial Law sa mga paaralan dahil sa dami na rin ng mga interpretasyon na naglalabasan hinggil sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
“Sa dami ng maling impormasyon na kumakalat sa Internet, kailangan nating malaman kung paano itinuturo ang Martial Law sa ating kabataan at siguraduhin na ang katotohanan ang nananaig sa ating mga paaralan,” wika ni Sen. Aquino sa kanyang Senate Resolution No. 29.
Iginiit ni Aquino, chairman ng Committee on Education sa 17th Congress, na dapat malaman ng mga batang henerasyon ang lagim ng Martial Law, na itinuturing na pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
“Napansin natin na mukhang nagkaroon na ng pagbabago sa kasaysayan. Ang Martial Law ay sinasabing golden years ng Pilipinas, na malayung-malayo sa katotohanan,” wika ni Sen. Aquino.
Batay sa record, 3,257 ang pinatay, 35,000 ang pinahirapan at 70,000 ang nakulong noong panahon ng Martial Law mula 1972 hanggang 1981.
Maliban sa talamak na paglabag sa karapatang pantao sa panahong iyon, nasa tinatayang $10 bilyon ang ninakaw mula sa kaban ng bayan, ayon sa record ng Presidential Commission on Good Government (PCGG). - Leonel M. Abasola