Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa pagsabog sa Parañaque City Jail noong Huwebes ng gabi, ipinag-utos kahapon ni city Mayor Edwin Olivarez ang agarang demolisyon sa mga iskwater sa paligid ng city jail, sa paniwalang dito dumadaan ang mga kontrabandong nakalulusot sa nabanggit na piitan.

Sa isang kalatas, sinabi ni Olivarez na ang mga baril, pera, kutsilyo, at maging ang mga droga ay naiulat na ipinapasok sa Parañaque City Jail sa pamamagitan ng mga iskwater at maliliit na tindahan na nakatayo sa paligid ng kulungan.

“Napag-alaman na naipapasok sa loob ng bilangguan ang mga baril, kutsilyo at iba pang kontrabando gamit ang mahabang lubid mula sa likod ng bintana ng building papunta sa mga bahay sa ibaba. Kapag hinila ng preso ay may kasama nang mga gamit kapalit ng pera,” pahayag ni Olivarez.

Nananatiling palaisipan kung paano nakapasok sa opisina ni Jail Supt. Gerald Bantag, jail warden, ang isang UZI sub-machine gun at dalawang safety pins ng granada.

Probinsya

Rider na naaksidente, kasamang nasunog sa nagliyab na motorsiklo

Ang nasabing baril at safety pins, kabilang na ang 14 na piraso ng spent shells mula sa kalibre .9mm, dalawang bala ay bitbit umano ng sampung bilanggo na namatay.

Matatandaang nagtungo ang sampung inmate na sina Jacky Huang, Waren Manampen, Rodel Domdom, Ronald Domdom, Danilo Pineda, Joseph Villasor, Oliver Sarreal, Jeremy Flores, Yonghan Cai at Jonathan Ilas, sa opisina ni Bantag upang makiusap na huwag na silang ilipat ng kulungan.

Ngunit ang maayos na pakiusapan ay nauwi sa madugong putukan at pagpapasabog.

Sa sampung namatay, tanging mga bangkay nina Huang at Cai ang natitira sa People’s Funeral Services sa Las Piñas City.

RED ALERT STATUS

Samantala, hindi naman napigilang mag-init ang ulo ng mga gustong bumisitang kamag-anak ng mga bilanggo dahil kasalukuyan itong nasa red alert status; pansamantalang ipinagbabawal ang mga bisita ng 900 bilanggo. - Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea