Ni Edwin G. Rollon

Change is coming.

At maging sa hanay ng mga National Sports Association (NSA), ramdam na ang pagbabago na matagal nang nagpapahirap sa kaunlaran hindi lamang ng atletang Pinoy bagkus ng Philippine sports sa kabuuan.

Sa opisyal na pahayag ng Philippine Tennis Association (Philta) kamakailan, direkta nang nakialam ang International Tennis Federation (ITF) nang ibasura ang isinagawang halalan na nagpabalik sa posisyon kay dating Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Salvador ‘Buddy’ Andrada at kinatigan ang liderato ng kasalukuyang vice president na si Randy Villanueva.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Nagsagawa ng eleksiyon ang Philta sa kabila ng pagkakaroon lamang ng pito sa 12 board member nitong Hulyo 30 matapos magbitiw bilang pangulo si Paranque Mayor Edwin Olivarez.

Sa naturang halalan na kinuwestyon ni Villanueva, nakabalik si Andrada, naging pangulo ng Philta sa nakalipas na dalawang dekada bago na-appoint sa PSC noong 2010.

Iginiit ni Villanueva na alinsunod sa bylaws and constitution ng Philta, hindi kailangang maghalal ng bagong pangulo sa sitwasyong nagbitiw ang opisyal dahil awtomatikong magsisilbing acting president ang kasalukuyang vice president.

Para maiwasan ang ‘leadership crisis’, idinulog ni Villanueva sa ITF ang usapin na kaagad namang nagbigay ayuda sa liderato ni Villenueva.

Iginiit din ni Villanueva, na kailangang sipiin at ayusin ang Philta bylaws and constitution dahil “outdated and flawed” nito.

Sa sulat ni ITF president David Haggerty, kinatigan niya ang posisyon ni Villanueva. ‘Congratulations on your assumption as president,” pahayag ni Haggerty.

“We want the association to be more hardworking and more responsive to a broader population,” sambit ni Villanueva.

Ayon sa isang opisyal na tumangging pangalanan, minadali ni Andrada ang pagbabalik sa tennis upang masiguro ang boto ng asosasyon kay Jose ‘Peping’ Cojuangco na magtatangka para sa ikaapat na termino sa Philippine Olympic Committee (POC). Si Andrada ay isang malapit na opisyal kay Cojuangco.

“Wala kasing solid base si Mr. Cojuangco kaya nga pinakialamanan ng POC ang eleksiyon sa mga NSA para masiguro na ang mananalo ay tao nila,” sambit ng naturang opisyal, patungkol sa pagmaniobra sa eleksiyon sa badminton, karate, handball, dragon boat at volleyball.

Nakatakda ang eleksiyon sa POC sa Nobyembre.