Ngayong may napatunayan na si Hidilyn Diaz, isinantabi na muna niya ang planong pagreretiro at nagpahayag ng kahandaan na muling magsanay at magsakripisyo para sa minimithing unang gintong medalya ng bansa sa pagsabak sa Tokyo Olympics sa 2020.

“Na-realized ko po na puwede pa ako mag-improved sa susunod na apat na taon,” pahayag ng 25-anyos na si Diaz. “Marami pang pagkakataon na makasali ako sa mga qualifying event para sa 2020 Tokyo Olympics at sana po doon ko makuha ang inaasam ng buong bansa na gintong medalya,” aniya.

Nangako naman si Diaz sa pagharap nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa courtesy call sa Panacañang, ang tinaguriang Malacañang of the South, na gagawin nito ang kanyang makakaya para matubos ang Pinoy sa mahabang taong panananghoy sa Olympic gold.

“Ngayon po na napatunayan ko sa sarili ko na magagawa ko kung talagang paghihirapan ko at paghahandaan ang nais kong makamit, magsisilbi po sa akin na motibasyon ito na mas paghusayan ko pa lalo pa ngayon na marami na ang naniniwala na kaya natin makapanalo ng gintong medalya sa Olympics,” aniya.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Saka po, todo ang suporta ni Presidente Digong, kaya masarap at inspired na magtraining.”

Biniro naman siya ni Duterte na huwag na munang mag-asawa para sa posibilidad nitong masungkit ang napakailap na gintong medalya sa Summer Games.

“Alam ko pong biro po iyon, pero siyempre gusto ko din po makapag-asawa. Na-realized ko din po na gusto rin talaga ng pangulo natin na makapanalo na tayo ng gintong medalya sa Olympics,” aniya.

Agad pagtutuunan ng atensiyon ni Diaz ang pagpapatuloy sa sinimulan nitong programa sa strength and conditioning upang paunti-unti nitong maabot ang target na 101kg sa snatch na bagong world record at 125kg sa clean and jerk para makamit ang ginto.

“Tatapusin ko po siguro muna ang pag-aaral ko tapos paunti-unti ko po susundin ang mga programa na inihahanda ng asosasyon namin para sa mga susunod na international tournament,” sabi ng estudyante ng Hotel and Restaurant Management sa Universidad de Zamboanga

Balak ni Diaz na lumahok muli sa 29 Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia pati na rin sa 2018 Indonesia Asian Games. (Angie Oredo)