MGA Kapanalig, maliban sa Buwan ng Pambansang Wika, ipinagdiriwang din sa ating bansa tuwing Agosto ang Breastfeeding Awareness Month.
Sa bisa ng Expanded Breastfeeding Promotion Act na naipasa noong 2009, paiigtingin ng pamahalaan ang mga programa nito para sa pagpapalaganap ng pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga sanggol. Kaya nga’t ngayon, sa mga opisina, pampublikong tanggapan, shopping malls, at iba pang establisimiyento, may itinalagang mga “lactation station”. Binibigyan din ang mga nagtatrabahong ina ng 40 minutong lactation period—ito ay kung kasama nila ang kanilang sanggol o malapit lamang sila sa kanilang bahay.
Iminumungkahi ng UNICEF at ng World Health Organization ang tinatawag na “exclusive breastfeeding” sa mga sanggol hanggang sa kanilang ikaanim na buwan. Ibig sabihin, gatas lamang ng ina ang ipakakain sa mga bagong silang na bata at wala nang iba pa. Dito sa Pilipinas, marami pa ring mga ina ang nagpapasuso sa kanilang mga sanggol. Maliban sa sustansyang hatid ng gatas ng ina at benepisyo nito sa kalusugan ng bata, praktikal din ito dahil libre at hindi na kailangang timplahin. Gayunman, may mga nanay na pinipiling ipainom sa kanilang sanggol ang may kamahalang formula milk, at kapansin-pansin ang pamamayagpag ng mga ito sa mga pamilihan at tindahan. Kasama sa mga dahilan kung bakit mahirap ang exclusive breastfeeding ay ang paghahanapbuhay at limitadong panahon para sa maternity leave, kung mayroon man. May ilan ding nanay na hindi sapat ang kanilang gatas. Sa mga lungsod, may mga naiilang na magpasuso sa kanilang anak lalo na sa matataong lugar.
Ngunit para sa marami, ang gatas ng ina ay hindi lamang nakapagbibigay ng tamang nutrisyon at nakapagpapalakas ng resistensya ng mga sanggol. Ang pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol ay nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa ugnayan sa pagitan ng ina at ng batang kanyang inalagaan sa loob ng siyam na buwan at aarugain hanggang sa siya ay nabubuhay.
Ganito rin po ang pagtingin natin sa Simbahan. Sa isang pagtitipon kasama ang Pontifical Academy of Sciences sa Vatican noong 1995, sinabi ng dating Santo Papa at ngayon ay Santo Juan Pablo II na ang natural na paraan ng pagpapakain sa sanggol (gaya ng pagpapasuso) ay bumubuo ng espesyal na ugnayan o “bond” sa pagitan ng ina at ng bata, isang ugnayan ng pag-ibig at pag-aalaga.
Ang diwa ng ugnayang ito sa pagitan ng ina at ng kanyang sanggol ay matatagpuan din sa post-synodal apostolic exhortation ni Pope Francis na Amoris Laetitia. Sinabi niyang ang bawat sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina ay bahagi ng plano ng walang hanggang pagmamahal ng ating Diyos Ama. Kaya’t masasabi nating ang pagbubuntis, panganganak, at pagpapasuso sa sanggol—lahat ng ito ay bahagi ng misteryo ng pagbibigay-buhay at pagmamahal ng Diyos.
Bagamat walang lactation stations sa mga simbahan, hindi pinipigilan ang mga nanay na magpasuso sa kanilang mga sanggol sa loob ng simbahan. Mismong si Pope Francis nga, sa isang misa sa Sistine Chapel, ay minsan nang hinikayat ang mga inang pasusuhin ang kanilang anak kung ito ay umiiyak at nagugutom.
Sa uri ng pamumuhay natin ngayon kung saan laging nagmamadali ang mga tao, ang pagpapasuso sa sanggol ay para bang nagsasabing walang makapapantay sa espesyal na ugnayan ng ina at ng kanyang sanggol. Ito ay simbolo rin ng dalisay na pagmamahal ng Panginoong nagbibigay sa atin ng buhay.
Sumainyo ang katotohanan.