Isang bangkay ng hindi kilalang lalaki na pinaniniwalaang sinalvage ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ng awtoridad ang biktima na nakasuot ng pula at puting long sleeves at itim na short pants.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Makati City Police chief Sr. Supt. Rommil Mitra, dakong 1:30 ng madaling araw kahapon napansin ng isang residente ang isang kahina-hinalang itim na garbage bag sa tapat ng isang bahay sa No. 9099 Labanda St., Barangay Guadalupe Nuevo.
Nang suriin na umano nito ang laman, tumambad ang bangkay ng isang lalaki na tinakpan ng packaging tape ang mukha, nakatali ang mga kamay at paa, habang may bakas ng dugo sa leeg na posibleng tama ng saksak o baril.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. - Bella Gamotea